CHECKUPS SA DOKTOR PUWEDE NA KAHIT NASA MALAYO

DOH

INILUNSAD ng Department of Health-Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) ang ma­kabagong teknolohiya na magagamit upang mapadali ang pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan sa mga malalayong lugar sa rehiyon.

Itinuturing na bagong mukha ng medisina  ang paglulunsad ng telemedicine program na magbibigay ng malawak na serbisyo at kaalamang medikal sa remote health facilities sa mga nasabing lugar.

Sisimulan muna ito sa pagkakataong ito sa lalawigan ng Quezon at ayon kay Region 4-A Director Eduardo Janairo, hindi magiging sagabal ang pagpapatingin ng pasyente mula sa mala­yong lugar dahil sa ini­lunsad na programa.

Una nang sinimulan ni Director Janairo  ang unang telemedicine program  sa Mimaropa (Min­doro, Marinduque, Romblon at Palawan)  sa Dr. Damian Reyes Memorial Hospital sa Boac, Marinduque. Naka-link ito sa National Children’s Hospital,  East Avenue Medical Center at Batangas Medical Center.

Ang bagong telemedicine network set up  ay kinabibilangan ng rural diagnostic center, physicians office at doctor on call 24/7 na mayroong hawak na mobile device tulad ng tablet, laptop o cellphone. Maaaring magpa-checkup o magpasuri sa doktor ang pas­yente kahit siya ay nasa  bahay at  hindi makapunta sa ospital o health center.

Iiinstala  ng Calabar­zon ang telemedicine components na kabibilangan ng medical at diagnostic equipment tulad ng 12-lead digital ECG, digital spirometer, spot monitor, trans-vaginal ultrasound probe, digital otoscope, USB telephonic stethoscope, abdominal USB ultrasound probe, at iba pa.

Ayon pa kay Janairo, ang pre-consultation at post consultation ay gagawin remotely sa pamamagitan ng telemedicine program.

Tiniyak nito na makapagbibigay  ang teleme­dicine ng maraming be­nepisyo  tulad ng  ibinibigay na  mga healthcare provider sa kanilang mga pasyente gaya ng maliit  na gastos, mababawasan  din  ang pagkalat ng sakit at maraming iba pa.

Ang telemedicine  program ay inorganisa sa pakikipagtuwang  sa Department  of Science and Technology, AMD Global Telemedicine, Inc., KonsultaMD Global Telehealth, Inc. at Globe Telecom, Inc.

Comments are closed.