CHED ‘DI KINONSULTA  SA CASH BUDGETING

Dr-J-Prospero-De-Vera

INAMIN ni Commission Higher Education OIC Dr. J. Prospero De Vera na hindi kinonsulta ng Budget Department ang ahensya kaugnay sa inilatag na cash-based budgeting system para sa 2019 proposed national budget.

Sa budget hearing ng CHED sa Kamara, sinabi ni De Vera na malaking problema nila ang pagpapatupad ng RA 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education na may P50 bilyon budget para sa 2019.

Subalit mas pinoproblema ng ahensya ang paggugol sa budget para sa free college education dahil sa hindi nagtutugma ang fiscal year sa academic year.

Ang fiscal year para sa 2019 ay nagsisimula ng Enero hanggang Disyembre 2019 pero ang academic year para sa 2019 ay magsisimula ng Hunyo 2019 hanggang Abril 2020 habang sa ibang paaralan naman ay magsisimula ng Agos­to 2019 hanggang Hunyo 2020.

Ayon kay De Vera, ang malaking problema nila ay ang 2nd semester ng school year dahil hindi na nito sakop ang 2019 fiscal year.

Sinabi pa nito, hindi puwedeng manghula kung ilang enrollees para sa  2nd semester dahil ito ay dadaan pa sa certification at verification.

Dahil dito, pinanga­ngambahan ni De Vera na hindi maire-reimburse ng maraming paaralan ang matrikula para sa 2nd sem sa ilalim ng free college education dahil sa negatibong epekto ng cash-based budget system na kinakailangang magamit sa loob lamang ng taong 2019.

Ang budget ng CHED sa 2019 ay bumaba sa P50.4 bilyon mula sa P50.533 bilyon ngayong taon.  CONDE BATAC

Comments are closed.