TAHASANG binatikos ni Public Attorneys Office (PAO) Chief Atty. Persida Rueda-Acosta ang nangyayaring diskriminasyon sa mga kolehiyo at unibersidad laban sa mga hindi bakunado at ‘di kumpletong bakunado na mga mag- aaral.
Sa ginanap na press conference, tinukoy ni Acosta ang mga paglabag sa Konstitusyon, karapatang pantao sa pagtamo ng edukasyon at labag sa batas na taliwas sa Section 12 ng Republic Act 11525 ang ginawang hakbang ng CHED.
Nauna ng sumulat ang PAO kay Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Dr. Prospero de Vera III hinggil sa kanilang mariing pagtutol sa CHED Memorandum Order 01, Series of 2022 bunsod ng nagbibigay lamang ng mga nakalilitong panuntunan at malawak na diskresyon sa Higher Education Institutions (HEIs).
Nabatid na sa ilalim ng naturang CHED Memorandum, magpapatuloy ang HEIs na sundin ang alituntunin sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2 kaugnay ng umiiral na guidelines for nationwide implementation of alert level system for Covid 19 response na inamyendahan kung saan ang kumpletong bakunadong guro, mga kawani at mag-aaral lamang ang papayagang makapasok sa mga paaralan, samantalang ang mga hindi bakunado at ‘di kumpletong bakunado naman ay magpapatuloy ng kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng flexible learning modalities.
Nakiisa naman ni Atty. Larry Gadon sa ginawang hakbang ng PAO kasunod ang panawagan sa CHED na i-relax ang naturang memorandum.
Aniya, hindi polisiya ng gobyerno at hindi mandatory ang pagpapabakuna.
“Hinihikayat lamang ng pamahalaan na i-avail ang bakuna at pagpapa booster, hindi ito mandatory, walang legal basis ang CHED dyan,” saad ni Gadon.
Idinagdag pa ni Gadon na walang scientific basis ang bakuna kontra Covid dahilan sa marami pa ring nagkakasakit kahit may taglay na bakuna na.
Sinabi naman ni PAO Forensic Laboratory Division chief Dr. Erwin Erfe, na dapat rebisahin ang CHED Memo kasunod ang panawagan na pag-aralan din ng gobyerno na buwagin ang CHED at sa halip ay ibalik sa Department of Education (DepEd) dahilan sa nakagugulo lamang ito gaya ngayong panahon ng pasukan.
Napag-alamang pinapayagan sa ilalim ng polisiya ng DepEd gayundin ng University of the Philippines (UP) na makapag-aral ang lahat ng mga estudyante ngayong pasukan kung kayat suportado ng PAO ang DepEd at UP. BENEDICT ABAYGAR, JR.