PINARANGALAN ng Commission on Higher Education (CHED) si Albay Rep. Joey Sarte Salceda ng ‘Father of Free Tuition in College award’ bilang natatanging pagkilala sa pagkakalikha niya sa batas na Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE), na nagbibigay ng libreng tuwisyon sa mga estudyante sa kolehiyo.
Iginawad kay Salceda ang parangal ni CHED chairman Prospero ‘Popoy’ de Vera at Commissioner Aldrin Darilag, kasama si Atty. Ryan Estevez, executive director ng ‘Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education’ sa katatapos na Gawad Parangal ng CHED para sa Local Universities and Colleges (LUCs) sa Bikol na ginanap sa Legazpi City kamakailan.
Inakda ni Salceda ang UAQTE at nilagdaan ito ni Pangulong Duterte bilang RA 10931 noong 2017. Sa ilalim nito libre ang tuwisyon ng estudyante sa state universities and colleges (SUCs) at LUC ng mga pamahalaang lokal, at sa mga kursong ‘technical-vocational’ ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at mga kabalikat nitong sanayan o institusyon.
Tuwiran din ang mga benepisyo nito sa mga pamilyang ang mga anak ay maaaring hindi makapasok sa mga SUC at LUC, sa pamamagitan ng ayudang pautang na tuwisyon para makapasok sa mga pribadong paaralan. Babayaran lamang ang naturang pautang kapag nakatapos na sila sa pag-aaral, nakapagtrabaho, at umabot na sa ‘minimum annual gross income’ o “compulsory repayment threshold” ang kanilang taunang kita.
Sa kanyang talumpati sa ginanap na parangal, inamuki ni Salceda, na siyang chairman ng House Ways and Means Committee, ang CHED at TESDA na magtulungan para makalikha ng “skills-based workforce” na handa sa mga “career opportunities” sa ilalim ng nagaganap na ‘Fourth Industrial Revolution.’
Ayon kay Salceda, sadyang mahalaga ang ambag ng libreng tuwisyon, ngunit patuloy ang mga pagbabago sa edukasyon kaya nagbabago rin ang pananaw niya kaugnay nito. Bagama’t mahalaga pa rin ang diploma sa paghanap ng trabaho, nangangailangan ng natatanging kahusayan ang nagaganap na ‘Fourth Industrial Revolution’ kung saan higit na maselan ang ‘globalized at hyper technologized economy’ nito,” dagdag niya.
Ipinanukala niyang dapat ituro rin sa kolehiyo ang mga aralin ng TESDA na may kaugnayan sa kursong kinukuha ng mga estudyante upang magkaroon sila hindi lamang ng diploma kundi pati ng sertipikasyon ng TESDA kapag sila nagtapos. “Sadyang kailangan ang pagtutulungan ng CHED at TESDA, lalo na sa mga LUC o ‘community colleges’ kung saan ang mga nagtatapos ay totohanang nangangailangan talaga ng trabaho at ‘dagdag na kaalaman,” giit niya.
Hiniling ni Salceda sa CHED at TESDA na mag-usap at sasama siya upang talakayin nila ang mga isyung nabanggit niya. “Naniniwala akong may mga kurso sa kolehiyong dapat magkaroon ng ‘TESDA Certification, dahil kailangan na ito sa mundo ng trabaho. Sa totoo, mahalaga ring magkaroon ng ‘TESDA certification’ ang isang ‘Electrical Engineering student’ bilang ‘electrician’ dahil hindi na lang diploma ang kailangan kundi kahusayan din. Makatutulong dito ang CHED,” paliwanag niya.
Sa ilalim ng UAQTE, lalong dumami ang mga nakapagtatapos sa kolehiyo na tumaas na ngayon sa taunang 23.45% ng mga nag-aaral kumpara sa 16.24% bago umiral ang batas. Lalong dumami rin ang bilang ng mga LUC na nasa 121 na ngayon kumpara sa 107 bago ang batas sa libreng tuwisyon. Sa Albay lamang, may siyam na nito na pinakamarami sa lahat ng lalawigan sa bansa. Ang UAQTE ay batay sa programang ‘Free Tertiary Education’ ng Albay na pinasimulan ni Salceda nang magsilbi siyang siyam (9) na taong gobernador ng lalawigan hanggang 2016.
Sa kanyang mga ‘briefings’ bilang pangunahing may-akda ng bagong batas na ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act,’ binanggit ni Salceda na karaniwang reklamo ng mga kompanyang BPO na ‘samantalang mahuhusay magbasa, magsulat at magsalita ng Ingles ang mga ‘Filipino college graduates,’ hirap sila sa pagtugon sa problema ng mga kliyente, dahil kulang sila sa “dagdag na kaalaman.”
“Dahil dito, dagdag na gumagasta rin ang mga BPO sa karagdagang pagsasanay sa kanila, at kahit marami ang mga walang trabaho, hirap pa rin ang mga BPO na punuan ang kakulangan nila sa mga manggagawa. Ito ang situwasyon ngayon ng Pilipinas sa kasalukuyang ‘globalized, competitive world economy’ na pinakikilos ng dagdag na kahusayan, Hindi na sapat ang ipanagyayabang nating murang bayad sa mga manggagawa,” madiing paliwanag ni Salceda.
242261 973191Intriguing internet site, i read it but i nonetheless have a couple of questions. shoot me an email and we will talk much more becasue i may possibly have an interesting concept for you. 980948