CHERRY TIGO, CIGNAL AGAWAN SA LIDERATO

Standings W L
Chery Tiggo 1 0
PetroGazz 1 0
Cignal 1 0
Creamline 1 0
Choco Mucho 1 1
PLDT 1 1
UAI-Army 0 1
Akari 0 1
F2 Logistics 0 2

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
2:30 p.m. – Akari vs UAI-Army
5:30 p.m. – Cignal vs Chery Tiggo

MAG-AAGAWAN ang Cherry Tiggo at Cignal sa solong liderato sa Premier Volleyball League Reinforced Conference ngayon sa Philsports Arena.

Galing sa conference-opening wins, umaasa ang Crossovers at HD Spikers na makakakuha ng mas malaking suporta mula sa kanilang reinforcements sa 5:30 p.m. match.

Si Jelena Cvijovic ng Montenegro ay umiskor lamang ng 6 points sa 25-23, 25-21, 25-22 sweep ng Cherry Tigo sa F2 Logistics noong Martes.

Bagama’t nagbuhos si Tai Bierria ng 20 points sa 20-25, 25-23, 25-18, 25-16 panalo ng Cignal sa baguhang Akari sa inaugurals noong nakaraang Sabado, kailangan ng American import na kumayod pa nang husto.

“So happy sa performance niya but sabi ko nga sa kanya marami pa kaming kailangang i-improve, marami pa kaming kailangan trabahuhin,” sabi ni HD Spikers mentor Shaq Delos Santos.

“Malayo pa ang performance ng team namin. Talagang kailangang pumukpok pa kami and trabahuhin namin talaga ng 101%,” dagdag pa niya.

Naniniwala si coach Aying Esteban, nasa kanyang ikalawang conference bilang Crossovers coach, na kayang-kayang makipagsabayan ng kanyang tropa sa back-to-back PVL bronze medalists.

Target ng United Auctioneers Inc.-Army at Akari na makapasok sa win column sa 5:30 p.m. curtain raiser.

Nalasap ng Lady Troopers ang 25-17, 20-25, 26-24, 11-25, 11-15 loss sa PLDT Home Fibr, habang nag-debut ang Chargers sa four-set defeat sa Cignal – kapwa sa inaugurals noong nakaraang Sabado.