CHICKEN HALANG-HALANG: SWAK SA MGA MAHIHILIG SA MAAANGHANG

CHICKEN HALANG-HALANG

(Ni CT SARIGUMBA)

KAHILIGAN sa pagkain, iyan tayong mga Pinoy. Lahat nga ng klase ng pagkain ay type o gusto natin. Mula sa matatamis, matataba, maaalat at maaanghang.

May ilan pa nga sa ating kahit na kakakain lang ng matatamis, nag­hahanap naman ng maaalat. O kaya naman, matapos kumain ng maaalat, matamis naman ang gustong lantakan.

Kunsabagay, may mga panahong gustong-gusto nating kumain. May mga sandali ring naghahanap tayo ng specific na lasa at hangga’t hindi nasa-sayaran ng lasang hinahanap-hanap natin ang ating dila, hindi tayo napapalagay.

Dahil nga isa ang pagkain sa nakapagpapaligaya sa atin na hinding-hindi natin magawang ayawan, ‘di rin tayo tumitigil na mag-eksperimento ng iba’t ibang putaheng lalo pang magpapasaya sa atin. Mga pagkaing lalong pinasarap at swak na swak sa ating pamilya.

At isa sa putaheng puwedeng subukan ng bawat Mommy ay ang Chicken Halang-halang.

Isang Filipino dish ang Chicken Halang-ha­lang. Manok ang pangu­nahing sangkap nito. Sikat ito sa ilang rehiyon sa Visayas at Mindanao.

Walang ipinagkaiba ang Chicken Halang-halang sa ginataang manok at tinolo. Ang kaibahan lang nito ay nilalagyan ito ng chili flakes, jalapeno, o kaya naman cayenne pepper upang mas sumarap ito at umanghang. Sinasamahan din ito ng tanglad para sa mas masarap at mabangong  amoy.

Simpleng-simple lang itong lutuin at sobrang swak pa sa bulsa.

Kaya naman sa mga mahihilig sa maaanghang na putahe, isa sa puwede ninyong subukan ang Chicken Halang-halang.

Ang mga sangkap na kakailanganin sa paggawa nito ay ang manok, 2 tasa ng coconut milk 1 piraso ng sibuyas, hiniwa, 1 kutsarita ng dinikdik na bawang, 1 kutsarita ng hiniwang luya 1 kutsarita ng pulang sili, 6-8 pirasong dahon ng tanglad, 1 papaya, hiniwa nang parisukat, ¾ – 1 tasa ng dahon ng sili o malunggay, 2 kutsaritang patis na pampalasa at ang pamintang buo.

PARAAN NG PAG­LULUTO:

Matapos na maihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap, magsalang na ng kaldero, painitin ito at lagyan ng mantika.

Painitin din muna ang mantika bago ilagay ang luya, sibuyas at bawang. Mas gusto kong unahin ang luya para mas lumabas ang lasa nito.

Kapag bahagyang naluto na ang luya at lumabas na ang lasa nito, saka ilagay ang sibuyas at bawang. Pinagsasabay ko ang paglalagay ng mga sangkap na ito.

Pagkatapos ay isama na ang manok. Haluing mabuti. Gisahin ang manok hanggang sa kusa itong magmantika. Mas sumasarap kasi ang isang puta-he lalo na kung nagmamantika ito. Kaya’t mainam na pagmantikain muna ang manok  bago ilagay ang iba pang sangkap.

Kapag naluto na ang manok at tila nagmamantika na ito, saka naman ilagay ang gata. Kung walang mabilhang fresh gata, isa namang option na puwedeng gamitin ay ang mga gata mix. Pero mas masarap pa rin ang kalalabasan ng iyong putahe kung ang gagamitin ay fresh na gata.

Kapag kumulo na, isama na ang tanglad at papaya. Haluin ulit nang mabuti.

Kapag bahagya ng lumambot ang papaya, ilagay na ang pamintang buo at patis. Tikman ito. Maaari ring lagyan ng chili flakes kung gusto mo itong mas maging maanghang.

Pagkaraan ay maaari nang ilagay ang dahon ng sili o malunggay. Pakuluin ulit ito.

Bago ihain, ilagay na ang siling pula.

Habang umuusok pa ay pagsaluhan na ito ng pamilya. Napakasarap nito lalo na kung umuusok pa ang ipapares na kanin.

Simpleng lutuin at abot-kaya sa bulsa, iyan ang madalas na­ting iniisip para sa ating pamilya.

Pero hindi naman porke’t simpleng putahe at abot-kaya sa bulsa ang ihahanda natin sa ating mahal sa buhay, ipagwawalang bahala na natin ang lasa nito.

Siyempre, mahala­gang-mahalaga pa rin kung walang kasing sarap ang ating ihahanda sa ating pamilya nang sumilay sa kanilang labi ang ngiti.

At isa sa simpleng lutuin na abot-kaya sa bulsa ngunit walang katulad ang sarap ay ang Chicken Halang-halang.

Kaya kung hindi n’yo pa ito naluluto, subukan na at paniguradong maiibigan ito ng iyong buong pamilya.

Comments are closed.