NAGPATUPAD ang Department of Agriculture (DA) ng temporary ban sa pag-import ng poultry meat mula sa Brazil.
Ito ay bilang precautionary measure makaraang matukoy ang SARS-COV-2, ang causative agent ng COVID-19, sa chicken wings na inangkat sa naturang bansa.
Ang ban ay nakapaloob sa memorandum order na nilagdaan noong Biyernes ni Agriculture Secretary William Dar.
Tinukoy nito ang Section 10 ng Republic Act 10611, o ang Food Safety Act of 2013, na nagsasaad na, “in specific circumstances when the available relevant information use for in risk assessment is insufficient to show that a certain type of food or food product does not pose a risk to consumer health, precautionary measures shall be adopted.”
Napaulat sa ilang online news agencies na ang SARS-COV-2 ay natukoy sa chicken wings na inangkat sa Brazil sa isang screening na isinagawa sa Longgang District sa Shenzhen, China.
Sa ulat ng World Health Organization (WHO), may 3,109,630 kumpirmadong kaso ng COVID-19 at 103,026 deaths sa Brazil, kung saan malaking bilang nito ay sa hanay ng mga manggagawa sa meat establishments.
Comments are closed.