CHICKEN KABOBS WITH PEANUT SAUCE

CHICKEN KABOBS

(ni CT SARIGUMBA)

NAKAUUBOS ng ideya ang pag-iisip ng pagkaing ihahanda sa buong pamilya. Hindi basta-basta ang pag-iisip ng iba’t ibang putahe. Na­ngangailangan ito ng mahabang oras at pagiging creative nang makapaghanda ng kakaiba pero pasok sa budget.

Kung araw-araw nga naman tayong nag-iisip ng putaheng swak sa lasa’t bulsa, tiyak na sasakit ang ulo n’yo sa kaiisip. Mahirap din ang maghanda ng kung ano-ano lang dahil masasa­yang lang kung hindi naman magagalaw o magugustuhan ng buong pamilya.

Kaya’t kaakibat sa pagluluto ang pag-iisip ng iba’t ibang recipe. Kakaibang recipe na bago sa paningin at panlasa ng buong pamilya. Kung paulit-ulit lang ang ating inihahanda, pinagsasawaan din nila. Nakauumay nga naman ang isang pagkaing maya’t maya na lang na inihahanda sa hapag.

Kaya’t hindi biro ang trabaho ng isang nanay—bukod sa pag-aasikaso sa buong pamilya, nariyan din ang paghahanda ng iba’t ibang putahe sa araw-araw na swak sa budget.

Sa mga nanay riyan na nahihilo na sa kaiisip ng bagong putahe, may isa kaming ibabahagi sa inyo na pasok na sa budget, swak pa sa panlasa ng inyong buong pamilya.

Isa ang chicken sa paborito ng lahat o buong pamilya at napakadali ring lutuin, ito ang main ingredient sa lulutuin natin ngayon—ang Chicken Kabobs with Peanut sauce.

Kunsabagay, marami namang sauce ang puwede nating subukan o ipares sa Chicken Kabobs depende sa type ng inyong pamilya. At dahil isa ang peanut butter sa paborito sa bahay, ito ang sauce na napili kong ipares sa aking recipe na Chicken Kabobs.

MGA SANGKAP NA KAKAILANGANIN:

Para sa manok, ang mga kakailangan ay ang 12 ounce na skinless at boneless chicken breast, 2 kutsarang vegetable oil, 2 kutsarang toyo.

Para naman sa sauce, kakailanganin ng 3 kutsarang peanut butter, 2 kutsarang toyo, 2 kutsarita ng katas ng dayap, 1 kutsaritang honey, 1 kutsarang hiniwang scallions at 1/8 kutsarita ng garlic powder.

PARAAN NG PAG­LULUTO

Matapos na maihanda ang lahat ng mga sangkap, hiwain ang manok nang pahaba at may kanipisan. Siguraduhing pantay-pantay ang pagkakahiwa ng manok.

Kapag nahiwa na ang lahat ng manok, ilagay ito sa lalagyan na may mantika at toyo. Bali-baliktarin ito nang manuot ang lasa sa manok. Ibabad ito sa loob ng 20 minuto. Puwede rin naman itong ilagay sa refrigerator ng buong magdamag para mas sumarap ang lasa.

Kapag nanuot na ang lasa sa manok, puwede na itong lutuin. May da­lawang klaseng pagluluto ang puwedeng subukan. Una ang pag-iihaw at ang pangalawa ay ang pagpiprito kung wala namang ihawan.

Kung planong ihawin, tuhugin lamang ang manok. Puwede rin itong samahan ng mga gulay nang mas sumarap at gumanda sa paningin ng buong pamilya.

Lutuin ito sa loob ng 2-3 minuto per side hanggang sa maging golden brown ang kulay.

Para naman sa sauce, paghalu-haluin ang peanut butter, toyo, katas ng dayap, honey, scallions at garlic powder. Ha­luin hanggang sa ma­ging tama na ang texture at lasa nito. At kapag sa  tingin ninyo ay okay na ang lasa at texture, puwede na itong gawing sawsawan sa inihandang Chicken Kabobs.

Madali nang lutuin, tiyak na magugustuhan pa ito ng buong pamilya. Swak na swak din itong ipambaon sa opisina man o sa eskuwelahan.

Kaya’t kung sawa na sa simpleng chicken ang inyong pamilya, subukan ang Chicken Kabobs with peanut sauce. Bago na sa kanilang paningin, masarap pa sa kanilang panlasa. (photos mula sa wellplated.com, readyseteat.com, feelgoodfoodie.net)

Comments are closed.