CHICKEN SOPAS ELIXIR

CHICKEN SOPAS ELIXIR

(Ni CT SARIGUMBA)

MAPAPANSIN nga naman nating marami sa ngayon ang nagkakasakit dahil na rin sa nagsisimula nang uminit ang panahon. Hindi pa man sumasapit ang summer ay ramdam na natin ang hindi mapigil na pagdating nito.

Kapag mainit ang panahon, nagre-react ang ating katawan at nagkakasakit tayo. Napakahirap pa naman ang magkasakit dahil sa kaliwa’t kanang obligasyong kailangan na­ting gampanan—sa trabaho, gayundin sa ating pamilya at sarili.

Hindi rin naman kasi puwedeng pabayaan natin ang ating sarili. Hindi rin tamang puro trabaho na lang ang aatupagin natin. Paano na lang kung magkasakit tayo. Mahirap at mahal pa naman ang magkasakit.

Gayunpaman, may mga taong kahit na nag-iingat ay hindi pa rin nakaliligtas at dinarapuan ng sakit. At kapag may sakit, isa sa hinahanap ng ating panlasa ay ang masasabaw at katakam-takam na lutuin.

Maraming klase ng lutuing masasabaw ang paborito natin. Halimbawa na nga lang ay ang tinola at sinigang. Sa mga ulam nga namang ito ay paniguradong mapararami ang kain mo.

Isa nga naman ang chicken soup sa nararapat kahiligan kapag hindi maganda ang pakiramdam dahil sa raming benepisyong makukuha rito.

Ayon sa mga pag-aaral, nakatutulong ang chicken noodle soup upang ma-clear ang nasal congestion at gumaling ang colds. Kapag may sipon nga naman, napakahalagang hydrated ang katawan. Kaya napakainam ang pagkahilig sa masasabaw na pagkain gaya na lang ng chicken soup.

Bukod pa roon, mataas din ang taglay na protein ng chicken na nakapagpapalakas ng immune system.

Magandang source din ito ng vitamins at minerals gaya ng vitamin B. Nakatutulong naman sa immunity at digestion ang Vitamin B.

Ilan pa sa benepisyo ng chicken soup ay nakatutulong ito upang protektahan ang joints dahil sa natural collagen na makukuha rito.

At sa pamamagitan nga naman ng pagkain ng chicken soup, matutulungang ma-restore ang cartilage sa bones. Nakatutulong din ang pagkain ng chicken soup upang maibsan ang joint pain na dala ng pagtanda.

At sa mga bagsak ang katawan diyan at nag-iisip ng mga pagkaing swak lutuin sa tahanan nang gumaan ang pakiramdam, isa sa mainam subukan ang Chicken Sopas Elixir.

Bukod sa napakasarap nito ay nakapagpapagaan din ito sa pakiramdam.

Ang mga sangkap na kakailanganin sa paggawa nito ay ang 1 liter chicken broth,  2 tasang raw shell macaroni, 1 tasang shred-ded cooked, chicken meat, 1 200-gram packet frozen, mixed vegetables, 1/2 tasang evaporated milk, 2 pirasong maliit na sibuyas, hiwain ng panggisa, bawang, balatan at pitpitin, celery at 1 kutsarang butter.

Paraan ng pagluluto:

Ihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap. Kapag handa na ay magsalang ng may kalakihang lutuan. Lagyan ng butter.

Kapag natunaw na ang butter, ilagay ang bawang at sibuyas, i-saute sa katamtamang lakas ng apoy.

Idagdag ang mixed vegetables, igisa sa loob ng limang minuto.  Puwede rin namang  imbes na mixed vegetables ay gumamit ng fresh na  gulay. Pagkuwa’y ilagay na rin ang gatas at chicken broth, lakasan ang apoy.

Hintayin hanggang sa kumulo. Pagkakulo ay hinaan ang apoy. Idagdag na rin chicken meat at macaroni. Hayaang kumulo sa loob ng 20 minuto. Pagkakulo, ilagay na ang hiniwa-hiwang celery. Tikman ito. Kung kulang pa ang lasa ay lagyan ng kaun­ting patis at paminta.

Pagsaluhan ito habang mainit pa. Masarap din itong budburan ng maraming paminta.

Sabaw naman talaga ang nakapagpapagaan ng pakiramdam.

Ngunit hindi basta-bastang sabaw ang dapat nating ihanda sa sarili at maging sa ating pamilya. Kailangang masarap ito at masustansiya. Gaya na lang ng Chicken Sopas Elixir.

Kaya’t ano pang hi­nihintay ninyo, subukan na ito. Napakadali pa nitong lutuin at tiyak na magugustuhan ng buong pamilya.

Hindi lang din kapag may sakit dapat tayong magluto ng Chicken Sopas Elixir. Dahil swak din ito sa kahit na anong panahon.

Comments are closed.