KAPAG malamig ang panahon, hindi maiwasan ang magkasakit. Kayhirap pa naman kapag may iniindang karamdaman. Mahirap gumalaw-galaw. Mahirap ding magtrabaho. Nakatatamad ang mag-isip.
Kailangang maging maingat tayo lalo na ngayong tag-ulan sapagkat napakaraming nagkalat na sakit ang maaaring dumapo sa atin. Kaya naman, kung feeling mo ay magkakasakit ka, isa sa lutuing maaari mong kahiligan ang chicken soup. Kung medyo sinisipon, maghanda kaagad nito upang maiwasang lumala ang nararamdamang sakit at nang lumuwag ang pakiramdam.
Tunay nga namang mabisa ang chicken soup. Isa ito sa nangungunang pagkain na nakatutulong upang maiwasan ang pagkakaroon ng sipon. Karamihan din sa mga lola natin ay ito ang pinakakain kapag may nagkakasakit sa pamilya.
Maraming taglay na vitamins at minerals ang chicken soup. Ang mga sangkap nito kagaya na lang ng carrots ay nagtataglay ng vitamin A. Samantalang ang chicken stock o ang sabaw ng pinakuluang manok ay naglalaman ng zinc na tumutulong upang malabanan ang sakit o sipon. Ang mismong manok naman na pangunahing sangkap sa nasabing pagkain ay tumutulong sa katawan upang ayusin ang tissue. Nagtataglay rin ito ng amino acid cysteine. Ang collagen din mula sa bone broth ay nakatutulong sa pagpapagaling ng nasabing sakit.
Ang chicken soup ay nagtataglay rin ng anti-inflammatory properties kung saan natutulungan nitong maprotektahan ang katawan laban sa mucus production at throat swelling.
CHICKEN SOUP RECIPE
Wala nga namang kasing sarap ang chicken soup. Nakapagpapainit din ito ng katawan. Napakasarap din nito kaya’t magiginhawaan ang kahit na sinong makatitikim.
Napakadali lamang din nitong lutuin. Sa mga nagnanais magluto nito, ang mga sangkap na kailangang ihanda ay ang 1 buong manok, carrots, celery, sibuyas, bawang, asin at paminta, chicken cubes at tubig.
Paraan ng pagluluto:
Hugasan ang manok saka pakuluan. Habang pinakukuluan lagyan ng asin para magkalasa ang manok. Kapag lumambot na ang manok, alisin na ito sa lutuan at saka himayin. Matapos na mahimay ang manok, hugasan naman ang carrots at celery saka gayatin na sa nais na laki. Magpitpit na rin ng bawang at maghiwa ng sibuyas. Ihanda na rin ang chicken cubes, asin, paminta at tubig.
Matapos malinis ang mga sangkap at mahiwa, magsalang na ng kawali. Lagyan ng mantika. Kapag mainit na ang mantika, ilagay na ang bawang at sibuyas. Pagkatapos ay isama na rin ang hinimay na manok. Kapag nagisa na ang manok, ilagay na ang chicken stock. Lagyan ng asin, paminta at broth cubes saka pakuluin. Kapag kumulo na, ilagay naman ang hiniwa-hiwang carrots. Hintaying lumambot ng bahagya. Kapag medyo malambot na, panghuling isama ang celery. Pakuluin ulit. Tikman. Kapag okey na ang lasa, maaari na itong ihanda o pagsaluhan ng buong pamilya. Ihanda habang umuusok pa ang sabaw.
Simpleng-simple lang hindi ba? Kaya ano pang hinihintay mo, subukan na ang pagluluto ng chicken soup. (photos mula sa google). CT SARIGUMBA
Comments are closed.