CHIEF JUSTICE APPLICANTS DADAAN SA BUTAS NG KARAYOM

MAGHIHIGPIT na ang Judicial and Bar Council (JBC) sa mga documentary requirement na inilatag nito para sa mga aplikante para sa pagkapunong mahistrado.

Ito’y upang hindi na maulit ang sinapit ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno na napatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng quo warranto petition dahil sa kabiguan na magsu­mite ng kompletong bilang ng Statement of Assets, Liabilities and Networth na hinihingi ng JBC nang mag-aplay siya bilang Chief Justice noong 2012.

Sa isang anunsiyo na inilabas ng JBC sa kanilang official website, matapos nitong opisyal na buksan ang aplikasyon at nominasyon para sa pinakamataas na posisyon sa Hudikatura, mahigpit ang paalala ng screening body na hindi ipoproseso ng konseho ang aplikasyon ng mga interesado sa posisyon na kulang sa documentary requirement, out of date o huling nagpasa ng mga dokumento.

Hindi na rin tatanggapin ng JBC ang aplikasyon kung wala itong transmittal letter na naglalaman ng manifestation na lahat ng mga dokumentong hinihingi ng konseho ay kumpleto.

Kasama pa rin sa rekisito ay ang pagsusumite ng SALN para sa nakalipas na sampung taon kung ang aplikante ay mula sa gobyerno at kung mula naman sa pribadong sektor ay SALN para sa taong 2017.

Ang pagsusumite ng aplikasyon ay hanggang 4:30 ng hapon sa Hulyo 26 lamang. ANA ROSARIO HERNANDEZ