CHIEF OF POLICE NA NAGPOSITIBO SA DROGA NAMUMURO SA SERBISYO

NAMUMURONG masibak sa serbisyo ang dating hepe ng Mandaluyong City Police na si Col Cesar Gerente nang magpositibo sa surprise drug test noong Agosto 24.

Bukod pa ito sa inilabas ng PNP na confirmatory test na kung saan muling nagpositibo si Gerente.

Ayon kay PNP acting PIO chief Col. Jean Fajardo, gumugulong na ang pre-charge investigation laban kay Gerente at binigyan ito ng 15 araw para kontrahin ang resulta ng confirmatory test.

Nabatid na maaaring mamili si Gerente ng anumang DOH accredited laboratory para magsagawa ng panibagong confirmatory test bago tuluyang gumulong ang kaso laban sa opisyal.

“Meron silang 15 days to challenge ‘yung result ng kanilang drug test. Pupuwede silang mamili ng laboratory na accredited ng DOH para magsagawa ng test doon sa urine test na isinubmit nila,” aniya.

Matapos ito, saka pa lamang malalaman kung papatawan ng summary dismissal proceedings ang nasabing opisyal kabilang ang tatlong pulis na nauna nang nagpositibo sa kanilang urine test.

Nabatid pa na bukod kay Gerente ay may dalawa pang non-commission officer ang nagpositibo rin sa confirmatory test.

Kinasuhan na ang mga ito ng conduct unbecoming of a police officer at ito ay may penalty na dismissal from the police service.

Samantala, kasalukuyang nasa restrictive custody na ng Regional Personnel and Holding Unit ng NCRPO si Gerente. VERLIN RUIZ