CEBU – ISANG mataas na opisyal ng pulis ang natagpuan ng kanyang mga tauhan na nakahandusay at wala nang buhay sa loob ng kanyang tanggapan sa bayan ng Tuburan sa lalawigang ito.
Batay sa ulat ang biktima ay nakilalang si Lt. Colonel Glenn Hife, chief of police ng Tuburan Police Station 6.
Sa report ng Tuburan MPS, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong ala-5:30 ng hapon sa loob ng tanggapan ng naturang opisyal.
Ayon sa Tuburan police, bago ang insidente, iniinda ng biktima ng pananakit ng tiyan kaya nagtungo ito sa kanyang silid para magpahinga.
Makalipas ang ilang oras, nagtataka ang mga kasamahan ng biktima at hindi pa ito lumalabas ng kanyang silid.
Dahil sa pag-alala, pinasok na nila ito hanggang sa nakita na lamang nilang nakahandusay at wala nang buhay.
Malaki naman ang panghihinayang ng CPPO sa pagkamatay ni Hife dahil sa pambihira nitong galing na ipinakita sa kanyang tungkulin.
Isasailalim naman sa awtopsiya ang bangkay ng biktima para malaman ang sanhi ng pagkamatay nito.
EVELYN GARCIA