CHIEF OF POLICE UTAS SA 10-WHEELER TRUCK

BATANGAS-PATAY ang isang hepe ng pulisya matapos na mabundol ang minamaneho nitong Toyota Fortuner ng isang ten- wheeler truck kahapon ng madaling- araw sa Barangay Tulo,Taal sa lalawigang ito.

Sa ulat ng pulisya, kinilala ang biktima na kasalukuyang hepe ng Lian police station si Major Amiel Bernardo Sanhi Jr, 47-anyos, may asawa at residente ng Barangay Calicanto, Batangas City.

Agad naman sumuko ang truck driver na nakilalang si Salvador Segfred, 41-anyos, at residente ng Taal.

Sa imbestigasyon ng Taal police traffic bureau, dakong alas-4:45 ng madaling araw sakay ng kanyang Fortuner ay binabagtas ng biktima ang kahabaan ng highway sa Tulo, Taal patungo sa Batangas City nang bigla itong mabundol ng Fuso truck na minamaneho ni Segfred.

Sa lakas ng pagbundol ay nawasak ang kabuuan ng Fortuner at nahirapan ang mga rescuer na maialis ang biktima sa driver’s seat nito.

Mabilis na isinugod ng Taal MDRRMO ang biktima sa Batangas Medical Center subalit idineklara itong dead on arrival ng attending physician. ARMAN CAMBE