CHILD LABOR INFORMATION CARAVAN IKINASA

PINANGUNAHAN ng National Council Against Child Labor (NCACL), sa pamumuno ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang isang child labor information caravan at naghatid ng iba’t ibang government services sa child laborers at kanilang guardians sa San Jose, Tarlac kamakailan.

Ang culminating activity para sa paggunita sa World Day Against Child Labor (WDACL) ngayong taon ay kabilang sa mga inisyatiba ng  council upang magbigay ng kamulatan sa sitwasyon ng child laborers sa bansa bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na maalis ang lahat ng uri ng child labor.

Kabilang sa highlights ng event ang pamamahagi ng livelihood packages na nagkakahalaga ng P2.1 million sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) sa mga magulang ng profiled o dating child laborers sa Central Luzon.

“Pag-ingatan ninyo po ang ibibigay namin sa inyo…Sisingilin lang po namin kayo doon sa inyong kasipagan na palaguin ang maliit na kapital na ibibigay namin sa inyo nang sa ganoon hindi na mapuwersa ang inyong mga anak na magtrabaho, at nang sa ganoon, mabawasan natin kung hindi man mawakasan, ang insidente ng child labor,” wika ni NCACL alternate chair Undersecretary Benjo Santos M. Benavidez.

Upang higit na maipabatid ang whole-of-nation approach para sa isang child labor-free Philippines, ang DOLE ay nagbigay ng briefing at information materials sa mga inimbitahang magulang at bata hinggil sa Anti-Child Labor Law at sa mga programa ng gobyerno laban sa child labor.

 Ang DOLE Central Luzon ay nagprisinta rin ng success stories ng mga bata na nakalaya mula sa child labor sa rehiyon. Ang mga inimbitahang bata, kapwa profiled at dating child laborers, ay pinagkalooban din ng interactive activities, regalo, at libreng paggamir sa sports at recreational facilities ng venue.

 Nagtuwang din ang pamahalaan at ang pribadong sektor sa pagkakaloob ng libreng medical at dental checkup, massage at haircut, legal consultation, at national ID registration sa mga participant.

Samantala, isang Memorandum of Agreement ang nilagdaan ng DOLE at iba pang  government offices at organizations sa rehiyon upang paigtingin ang mga pagsisikap para matagumpay na maalis ang lahat ng uri ng child labor.

Ang WDACL culmination sa Tarlac ay pinangunahan nina Undersecretary Benavidez, Assistant Secretary Dominique Rubia-Tutay, DOLE Central Luzon Regional Director Geraldine Panlilio, Bureau of Workers kasama si Special Concerns Director Ahmma Charisma Lobrin-Satumba, at dinaluhan ng local at regional government officials.

Ang World Day Against Child Labor ay ipinagdiriwang tuwing June 12. Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon na “Bawat Bata, Malaya: Mithiin ng Nagkakaisang Bansa” ay muling pagpapatibay sa commitment na wakasan ang child labor sa pamamagitan ng isang whole-of-the-nation approach.