CHILD PNEUMONIA VACCINE PAREHO NG BISA- GLOBAL VACCINE AUTHORITIES

CHILD PNEUMONIA VACCINE-3

MAGKATULAD lamang ang bisa ng dalawang pambatang bakuna sa merkado upang mapigilan ang sakit na pneumonia, ayon sa pag-aaral na isinagawa ng mga pandaigdigang eksperto sa bakuna.

Ito ay sa gitna ng isinasagawang diskusyon kaugnay sa dalawang pambatang pneumococcal conjugate vaccines (PCVs) sa merkado ngayon—ang PCV10 at PCV13 na naglalayong magbigay-proteksiyon sa iba’t ibang uri ng pneumococcal bacteria na nagdudulot ng impeksiyon. Sa pamamagitan ng nasabing mga bakuna, napipigilan din ang pagpasa ng impeksiyon sa ibang tao.

Noong 2017, makaraan ang isang masusing literature review, sinabi ng World Health Organization (WHO) na sa kasalukuyan ay walang ebidensiya ng pagkakaiba sa pangkalahatang biss ng dalawang bakuna kontra child pneumonia.

Binigyang-diin ng WHO ang posisyong ito nito lamang Pebrero 2019 sa pagsasabing ang dalawang PCVs sa merkado ay magkatulad sa bisa sa pagpigil sa sakit na pneumonia sa mga bata.

Sa panig naman ng Pan-American Health Organization (PAHO) na nagsagawa rin ng isang systematic review sa impact at bisa ng PCV, sinabi ng nasabing global vaccine group na walang nakitang ‘superiority’ ang alinmang bakuna kontra pneumonia.

Inihayag din ng PAHO na bu­maba ng 1/3 ang mga nagkakasakit ng pneumococcal pneumonia at bu­maba rin ng 51% ang mga namatay dahi sa pneumococcal infections mula 2000 hanggang 2015 kasunod ng pagpapakilala sa PCVs sa maraming bansa.

Nagbigay rin ng pahayag ang International Vaccine Access Center (IVAC) kung saan sinabi nitong sa 2017 product assessment na kanilang isina-gawa batay sa komprehensibong pagsusuri ng mga published data, lumilitaw na ang kasakuluyang ebidensiya ay nagpapakitang walang dagdag na benepisyo ang isang bakuna kumpara sa pangalawa.

Ganito rin ang naging pahayag ni Dr. Anna Ong Lim, presidente ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines.

“Ang pneumonia ay isang pangkaraniwang sakit sa mga bata. Sa daan-daang bansa sa buong mundo, ang Filipinas ay kabilang sa top 15 sa mga may pinakamataas na bilang ng namamatay dahil sa pneumonia. Ang 15 bansang ito ay siya ring responsible sa 75% ng pangkabu­uuang bilang ng ng mga namatay dahil sa pneumonia.

Sinabi pa ni Dr. Ong- Lim na ang PCV10 at PCV13 ay magkatulad sa pagkontrol ng pangkalahatang ‘disease burden’ sa pneumococcal disease.

“Ano ba ang pinakamagandang match? Makatutulong ba ang either of the two? The answer is yes,” ani Ong-Lim.

Noon lamang nakaraang linggo, nanawagan ang local medical experts at ilang mambabatas para sa open at competitive bidding ng child pneumonia vaccines at sinabing kapag naging bukas ang bidding ay makapagbibigay ito sa pamahalaan ng daan-daang milyong piso na sa­vings na maaaring gami-tin para sa iba pang inisyatibong pangkalusugan ng pamahalaan.

Ang panawagan para sa open, competitive bidding ay umali­ngawngaw makaraang lumitaw na isa lamang bidder ang maaaring lumahok sa bidding para sa nasabing bakuna subalit kalaunan ay sinuspinde na rin ng Department of health (DOH) ang nasabing bidding habang pinag-aaralan kung paaano ito magiging higit na bukas para sa lahat ng kuwalipikadong bidder.

Sinabi ni Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo na bagama’t ang orihinal na patawag para sa bidding ng PCVs ay open tenders, ang mga specification naman ay tumutugma lamang para sa isang brand.

Ipinagkatiwala na rin, aniya, ng DOH sa National Immunization Committee (NIC) ang pag-aaral sa cost effectiveness ng nasabing bakuna.

Ang NIC ay isang external advisory group sa Expanded Immunization Program (EPI) office ng DOH. Ang tungkulin ng NIC ay ang magkaloob ng maayos at patas na payo batay sa mga kasalukuyang scientific evidence para sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa bakuna.