CHILD PROTECTION COMMITTEE SA SCHOOLS  VS PANG-AABUSO PAKILUSIN

Senador Win Gatchalian-5

HINIKAYAT ni Senador Win Gatchalian ang mga pribado at pampublikong paaralan sa elementarya at high school na pakilusin ang kanilang Child Protection Committee (CPC) laban sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso tulad ng sexual harassment.

Kamakailan, naging laman ng social media ang ilang mga mag-aaral ng Miriam College dahil sa sumbong nila ng karanasan sa ilalim ng mapagsamantalang mga guro, bagay na iniimbestigahan na ng Department of Education DepEd.

Kahit na ipagpapaliban muna ang pagsasagawa ng face-to-face learning sa pagbubukas ng klase dahil sa banta ng COVID-19, nagbabala si Gatchalian na hindi nawawala ang banta ng pang-aabuso mula sa ilang guro o kawani ng mga paaralan laban sa mga mag-aaral. Kaya ayon sa senador, dapat tumutok ang mga CPC sa mga kasong may kinalaman sa pang-aabuso at karahasan sa mga mag-aaral.

Ayon sa National Baseline Study on Violence Against Children in the Philippines, higit labing-pitong (17.1) porsiyento ng mga kabataang may edad na 13 hanggang 18 ang nakaranas ng karahasang seksuwal o sexual violence. Ayon din sa naturang ulat, 5.3 porsiyento ng mga insidenteng ito ay nangyayari sa loob mismo ng paaralan.

Sa ilalim ng Department Order No. 40 s. 2012 ng DepEd, mandato sa mga CPC ang pagbuo at pagpapatupad ng mga polisiya upang mabigyang proteksiyon ang mga bata. Tungkulin din ng CPC na tukuyin ang mga posibleng kaso ng pang-aabuso sa mga mag-aaral at iulat ito sa mga kinauukulan tulad ng Philippine National Police Women and Children Protection Desk (PNP-WCPD), Local Social Welfare and Development Office, mga ahensiya ng pamahalaan, at mga non-government organization (NGO).

Ang CPC ay pinamumunuan ng school head o administrator at katuwang nila ang isang guidance counselor o teacher. Kabilang din sa CPC ang kinatawan ng mga magulang, mga mag-aaral, at komunidad.

“Hindi natin dapat pinapalagpas ang ano mang uri ng pang-aabuso o karahasan sa ating mga kabataan sa tahanan man o sa paaralan. Dahil sa panganib na maaaring umakyat pa ang bilang ng mga kaso ng karahasan at pang-aabuso ngayong nasa gitna tayo ng pan­demya, lalo nating dapat paigtingin ang mga hakbang upang bigyan ng proteksiyon ang mga kabataan,” ani Gatchalian na Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Nagbabala rin si Gatchalian laban sa posibleng banta ng karahasan sa mga kabataan kahit na manatili sila sa kanilang mga tahanan habang nag-aaral.

Ayon sa PNP-WCPD, may mahigit 521 mga krimen na may kaugnayan sa pang-aabuso sa mga bata ang naitala noong Abril 30. Noong Hunyo 11, umakyat pa ang bilang ng mga kasong ito sa 2,077. VICKY CERVALES

3 thoughts on “CHILD PROTECTION COMMITTEE SA SCHOOLS  VS PANG-AABUSO PAKILUSIN”

  1. 149653 390782This internet website could be a walk-through its the data you wanted in regards to this and didnt know who need to. Glimpse here, and you will absolutely discover it. 887175

Comments are closed.