ni Riza Zuniga
Kabankalan City, Negros Occidental – Sa bilang ng tumataas na teenage pregnancy at iba pang isyung pambata sa lalawigan, nagkusa ang Ilog Kinderhome Foundation, Inc. (IKFI) na magsagawa ng pagsasanay sa “Module Development on Child’s Right and Protection” mula Setyembre 17-18, 2022 sa Gasatava Compound, Rojas Street, Kabankalan City.
Layon din ng pagsasanay ang makalikha ng modyul na isusulat para sa info-drive ng IKFI na matagal nang naglunsad na mga proyektong pambata simula pa noong 1979. Ang Executive Director na si Gilda Cadagat ay kasapi na simula pa noong 1982 at may pitong staff sa kasalukuyan na nakatutok sa iba’t ibang programa sa pagpapaunlad at pagbibigay proteksyon sa mga bata sa ilang barangay at bayan sa Negros Occidental.
Ayon kay Cadagat, “Ang Pagsasanay ay sinimulan para makatulong sa pagkontrol ng tumataas na bilang ng teenage pregnancy sa mga barangay na may mataas na kaso simula pa noong 2019 at 2020.”
Naging maayos at malalim ang talakayan sa mga ibinahagi ng mga resource person sa kani-kanilang larangan: June Dela Peña, Children’s Rights at Protection; Riza Zuniga, Creative Writing at Technical Writing; Aloysius Gerrardo Ogues, HIV at Stories behind their numbers; Hope Basiao-Abella, Iba’t ibang paksa sa Violence, Teenage Pregnancy, Bullying, Discrimination and Differently-Abled, Sexually-Transmitted Diseases.
Buong pagmamalaking nagpasalamat ang organizers ng Ilog Kinderhome Foundation sa pangunguna ni Roger Gasataya, Pangulo ng Board of Trustees at Felina De Asis, Pangalawang Pangulo ng organisasyon.