DAHIL sa technical-vocational (tech-voc) course natupad ni Juvenal “Juvi” D. Orejas ang kanyang childhood dream na maging isang engineer.
Si Juvi ay nagtapos ng high school sa Makati Polytechnic Community College (kasalukuyang University of Makati) noong 1989 at pangarap nito na kumuha ng kursong electrical engineering sa kolehiyo. Gayunpaman, wala umano silang pera para sa kanyang pag-aaral sa college kaya gumuho ang kanyang pangarap.
Ang kanyang ama ay isang simpleng karpintero habang ang kanyang nanay ay isang vendor at street sweeper, pangalawa siya sa apat na magkakapatid at nakatira sila noon sa isang squatter area na nasa tabing ilog sa Makati City.
Ang kanyang ina umano ay aktibo sa simbahan at isa sa kanyang mga kasamahan na nagkataon din na isang trainor sa Dualtech Center ang nagsabi tungkol sa scholarship program sa nasabing paaralan. Ang Dualtech Center ay accredited technical vocation institute (TVI) ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Dahil wala na siyang option nang mga panahon na iyon, kaya kumuha siya ng entrance examination at sinuwerte namang pumasa siya. Nag-enrol siya ng 2-year course sa Electromechanic.
Matapos ang dalawang taong pag-aaral, rigid training at actual experiences sa loob ng factory kung saan sila nag-on the job training (OJT) ay agad siyang nagkatrabaho bilang technician.
“Nang mag-join ako sa workforce doon ko nakita ang advantages ng mga nagtapos sa tech voc courses, mas madali kaming makapasok sa mga factory noong mga panahon na ‘yon kumpara sa mga nagtapos ng bachelor degree o 4-year course,” ayon kay Juvi.
Aniya, magandang pundasyon ang tech-voc courses dahil maganda ang training sa mga estudyante at kasanayan, paghubog sa tamang pag-uugali lalo na sa working environment. At magandang pundasyon din umano ito sa isang tao upang magtagumpay sa buhay. “A good factor kung bakit narito ako ngayon sa posisyon ko.”
Sa kabila na nagtatrabaho na siya, hindi pa rin naaalis sa kanyang pangarap na maging electrical engineering. Nag-enroll siya sa Rizal Technological University (RTU) subalit hindi naman niya ito itinuloy. Gayunpaman, itinuloy nito ang kanyang bachelor degree sa engineering kung saan kumuha siya ng computer engineering sa Manuel S. Enverga University Foundation (MSEUF) noong 2006. Kumuha rin siya ng master degree sa engineering management sa Mapua at sa kasalukuyan ay tinatapos nito ang kanyang doctorate ukol sa executive leadership sa University of Makati.
“Bilang tech-voc graduate, inirerekomenda ko talaga ang pagte-take ng TESDA courses, at ang pagkuha especially ng National Certification (NC). Malaking tulong ang mga ito kasi maraming bansa at employers ang nire-recognize ang ganitong mga qualifications,” ani Juvi base umano sa kanyang personal experience at mga nakausap na nag-a-abroad.
Inirerekomenda rin umano niya ang mga ito sa kanyang mga kasama na mga medical service personnel at medical technicians na may balak magtrabaho sa ibang bansa.
Sa kasalukuyan ay nagtratrabaho siya bilang ASEAN Service Manager sa ICU Medical Philippines. Pangarap pa niyang makapagturo upang ma-i-share ang kanyang mga natutunan sa tech-voc at magkaroon ng sariling negosyo na may kaugnayan sa services.
Comments are closed.