CHILDREN WITH DISABILITIES DAPAT SAKLAW NG UNIVERSAL HEALTH CARE

Win Gatchalian

ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian na gawing bahagi ng Universal Health Care Law ang diagnosis o pagsusuri para sa mga kabataang may kapansanan.

Sa Senate Bill 171 na inihain ni Gatchalian, nais nitong palakasin ang pagkakaroon ng Inclusive Education Learning Resource Centers sa mga pam-publikong paaralan sa bansa.

Layunin ng Inclusive Education na pagsamahin sa mga regular na classroom ang parehong mga mag-aaral na may kapansanan at wala at sabay na ituro sa kanila ang pangunahing kurikulum.

Anang senador, mahalaga ang pagsusuring medikal o medical diagnosis para matukoy talaga ang kapansanan sa isang bata, ang pangunahing pangangailangan nito at kakayahan bago opisyal na maisama sa kategorya ng “children with disabilities.”

Sa kabila ng kawalan ng medical diagnosis, ang ginagamit na lamang ng mga guro ay ilang ‘assessment tools’ tulad ng Early Childhood Care and Development Council (ECCD) Checklist at ng Multi-Factored Assessment Tool (MFAT) mula sa Department of Education (DepEd), subalit lumalabas na hindi sapat ito para masuri nang maigi ang tunay na kondisyon ng isang bata.

“Unang hakbang dapat ang diagnosis upang malaman ng guro ang kalagayan ng mag-aaral at ang pamamaraan ng pagtuturo na dapat niyang gamitin. Mahalaga ito sa inclusive education, ngunit hindi natin ito ginagawa sa ilalim ng kasalukuyang sistema dahil hindi ito abot-kaya,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

“Isasama natin sa ating panukalang batas na maging bahagi ng universal health care program ang pagbabayad para sa diagnosis ng mga children with disabilities. Hindi siya sakop ngayon ng universal health care”, dagdag pa ng senador.

Ayon sa DepEd,  may 14,000  regular na paaralan at SPED centers sa bansa para sa SPED students, pero nasa 231,631 ang mga mag-aaral na may kapansanang wala sa regular classroom set-up at may 4,000 lamang na SPED teachers sa buong bansa.

Batay sa datos ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), isa sa pito o mahigit 5.1 milyong kabataang Filipino ang may kapansanan sa bansa. VICKY CERVALES

Comments are closed.