CHINA AT PILIPINAS NAG-USAP TUNGKOL SA SABINA SHOAL

NAGKAROON na ng pag-uusap ukol sa sea-related issues partikular na ang usapin sa Sabina Shoal, ang Pilipinas at China.

Kinumpirma rin ito ng Chinese Embassy sa Manila na nakipagtalakayan ang vice foreign minister ng Tsina at kanyang Philippine counterpart.

“Chinese Vice Foreign Minister Chen Xiaodong held a bilateral consultation mechanism (BCM) meeting on the South China Sea with Philippine Undersecretary of Foreign Affairs Maria Theresa Lazaro in Beijing on Wednesday,” ayon sa Chinese Foreign Ministry.

Sa kanilang naging pagpupulong, muling inulit ng Tsina ang demand nito para sa agarang withdrawal o pag-aalis  sa Philippine vessel at nangakong “firmly uphold its sovereignty.”

Nagkasundo umano ang dalawang bansa na ipagpatuloy ang kanilang diyalogo sa pamamagitan ng diplomatic channels.

Ang Xianbin Reef, kilala rin bilang Sabina Shoal, ay pinagtatalunang katubigan sa South China Sea malapit sa Spratly Islands, kung saan tinawag ng Tsina na Nansha Islands.

Tinukoy naman ng Pilipinas ang Sabina bilang Escoda Shoal.

Sa kabilang dako, hinikayat naman ng Tsina ang Pilipinas na alisin ang BRP Teresa Magbanua mula sa Escoda Shoal dahil ang presensiya nito ay malinaw na paglabag sa Chinese sove­reignty.

“The two sides had a candid and in-depth exchange of views on maritime issues, especially the issue of Xianbin Jiao,” ayon sa inilabas na pahayag ng China Foreign Ministry.

Ang BRP Teresa Magbanua ay nakahimpil sa Escoda Shoal simula pa noong Abril sa gitna ng ulat na may mga reclamation activities ang Tsina sa lugar.

Kamakailan lamang ay naghain ang Chinese foreign ministry ng protesta sa naging presensiya ng Philippine ship BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal.

Ang Escoda Shoal ay matatagpuan sa 75 nautical miles o 140 kilometers off ng Palawan at nasa loob ng 200-nautical-mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

VERLIN RUIZ