PASAY CITY – ITINANGGI ng pamunuan ng Philippine Navy na tumutulong ang China sa pag-alis ng sumdadsad na BRP Gregorio del Pilar sa Hasa-hasa Shoal bagaman amido silang maraming bansa na ang nag-alok ng tulong.
Umalis din umano kaagad ang mga namataang barko ng China nang malaman nilang nabahura lamang ang BRP FF15 Goryo sa nasabing shoal at nang malamang na kaya naman ng Philippine Navy na ma-retrieve ang nasabing barkong pandigma ng Filipinas.
Ayon kay Navy Flag Officer in Command, Vice Adm Robert Empedrad, normal lang na may mamataang barko malapit sa area na kinasadlakan ng barko.
Natural lang umano na kung may makitang barko na posibleng nangangailangan ng tulong ay lalapitan o aalukin ng tulong.
“Natural lang ‘yun, most likely kaya sila nandun ay nakita nila na nangangailangan (ng tulong) but when our ships are arrived in the area, umalis na rin sila, so, wala nang mga barko ng China roon,” ayon kay Emperad.
Nabatid na maraming bansa ang tumawag at nagparating ng kahandaang tumulong bagama’t hindi nito direktang sinabi na kabilang dito ang China.
Paliwanag pa ng opisyal na hindi na muna nila tinanggap ang alok na tulong dahil nais nilang sila na mismo ang mag-alis ng sumadsad na barko para hindi na ito magtagal pa sa area.
Nabatid na patuloy na binabantayan ng dalawang barko ng Philippine Coast Guard at dalawang patrol boat ng Navy ang BRP Gregorio del Pilar. VERLIN RUIZ
Comments are closed.