INIHAYAG ng China Embassy sa Pilipinas na nakahandang tumulong ang China sa patuloy na umiinit na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sinasabing handa rin si Chinese President Xi Jinping na makipag-ugnayan sa international community upang mamagitan sa digmaan sa Ukraine.
Nabatid na kamakalawa ay nagkaroon ng virtual summit sina President Xi Jinping kasama sina French President Emmanuel Macron at German Chancellor Olaf Scholz sa Beijing.
Sinabi ni President Xi lubha umanong nakababahala ang sitwasyon sa Ukraine, at nalulungkot ang China sa muling pagsiklab ng digmaan sa European continent.
Ayon sa China, dapat na igalang ang sovereignty and territorial integrity ng lahat ng bansa, dapat umanong igalang ang layunin at prinsipyo ng UN Charter, dapat ding tingnan ang legitimate security concerns ng bawat bansa. At dapat na suportahan ang lahat ng pagsisikap para makamit ang mapayapang kasunduan.
Sa ibinahaging pahayag ng embahada, mahalagang unahin na mapigilan na mainit na sitwasyon na lumala pa at hindi na mapigilan
Pinapurihan din ng China ang pagsisikap na mamagitan ang France at Germany sa Ukraine. Mananatili umanong bukas ang ugnayan at koordinasyon ng China sa France, Germany at EU at sama-sama at tulong tulong na humanap ng mapayapang solusyon kasama ng international community.
Mariing inihayag ni President Xi na dapat na sama-samang suportahan ang peace talks sa pagitan ng Russia at Ukraine, at hikayatin ang dalawang panig na panatilihing bukas ang pintuan para sa negosasyon tungo sa mapayapang solusyon.
“China will be pleased to see equal-footed dialogue among the EU, Russia, the United States and NATO,” ayon sa ibinahaging statement ng Chinese embassy.
“We need to call for maximum restraint to prevent a massive humanitarian crisis. China has proposed a six-point initiative on the humanitarian situation in Ukraine, and stands ready to provide Ukraine with further humanitarian aid supplies,” dagdag ng Embahada. VERLIN RUIZ