CHINA MAKIPAGDIYALOGO SA PILIPINAS

NAKAHANDA umano ang China na ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa Pilipinas kaugnay sa maritime dispute sa pinagtatalunang karagatan kabilang ang West Philippine Sea.

Sa ibinahaging mensahe ng China embassy, naniniwala itong maaayos ang sigalot sa pamamagitan diyalogo at konsultasyon.

Kaakibat din nito ang paninindigan sa maritime stability sa rehiyon, umaasa ito na makikipagkita at gagawa ng joint efforts ang Pilipinas kasama ang China para muling pasimulan ang negosasyon sa naturang inisyatibo sa lalong madaling panahon.

Ginawa ng Embahada ang pahayag, ilang araw matapos ang naganap na pagharang at pambobomba ng tubig o paggamit ng water cannon ng China Coast Guard para itaboy ang resupply vessel ng Pilipinas sa may Ayungin shoal sa West Philippine Sea.

Ayon pa sa embahada, palaging committed ang China sa pagpapanatili ng kapayapaan at estabilidad sa pinagtatalunang karagatan.

Anila, mananatiling malapit na karatig bansa ang Pilipinas at China para sa kaayusan at estabilidad sa disputed waters na siyang magsisilbing common interest ng dalawang bansa gayundin ng lahat ng mga bansa sa rehiyon.

Ang paggamit umano ng hype tactics at pagsali ng third-party forces ay hindi makakatulong at sa halip ay lalo lamang magiging komplikado ang sitwasyon.

Samantala itinanggi naman ng US Department of Defense na humingi ng assistance ang Pilipinas matapos ang pag-atake ng China sa mga barko ng bansa.

Iginiit ng US ang karapatan ng Pilipinas para sa mag-resupply sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.

Ayon kay Pentagon press secretary Air Force Brig. Gen. Pat Ryder, naninindigan ang US sa kaalyado nitong Pilipinas pagdating sa karapatan nito na mag-suplay o mag-resuplay sa barko nito na BRP Sierra Madre na matagal ng nasa Ayungin Shoal. VERLIN RUIZ