(China naungusan) PH WORLD’S TOP RICE IMPORTER

USDA

ANG PILIPINAS ang world’s top rice importer para sa marketing year 2022-2023, ayon sa United States Department of Agriculture (USDA).

Sa ulat ng CNN Philippines, ibinunyag ng USDA’s “Grain: World Markets and Trade” (https://apps.fas.usda.gov/psdonline/circulars/grain.pdf) na inaprubahan ng bansa ang importasyon ng 3.9 million metric tons (MT) ng bigas mula January 2022 hanggang December 2023.

Nalampasan nito ang rice importation ng China na 3.5 million MT sa parehong panahon. Ang China ay consistent top rice importer magmula noong 2019.

“In 2008, top importer the Philippines continuously bought larger volumes as prices escalated. This year, it is delaying purchases, awaiting lower prices,” nakasaad sa report.

Para sa January 2023 hanggang August 2024 period, inaasahang bahagyang bababa ang importasyon ng Pilipinas ng 100,000 MT habang tataasan ng China ang aangkatin nito ng 500,000 MT, para mabawi ang world’s top rice importer spot.

Pagdating sa milled rice production, ang Pilipinas ay nagtala ng 12.631 million MT sa likod ng 145.946 million MT ng China at ng 136 million MT production ng India para sa taong 2022-2023.

Ang Thailand at Vietnam ang iniulat na top two sources ng imported rice sa Pilipinas sa 2023.