MANANAGOT ang pamunuan ng Xiamen Airlines sa rami ng kanselado at delayed na flights dahil sa pagsadsad ng kanilang eroplano sa main runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon.
Ayon kay Eric Apolonio, spokesman ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), malaki ang nalulugi sa isang airline kapag nagkansela o nag-divert ng flight.
Umabot sa 70 flights ng Philippine Airlines at Cebu Pacific at iba pang airlines ang nagkansela at 12 ang nag-divert ng kanilang flights dahil sa pag-sasara ng main runway ng NAIA. Ang iba ay nag-divert sa Iloilo, Clark, Davao at sa mga karatig na bansa.
Sinabi ni Apolonio na kinailangang magkansela at mag-divert ng flights dahil hindi kakayanin ng natitirang runway ang malalaking eroplano.
“We’re doing our best para ma-normalize lahat although siyempre may kakulangan tayo ng isang runway kaya definitely we expect some delays,” dagdag ni Apolonio.
Dahil sa biglang pag-ulan nang malakas, mas naging mahirap umano ang pagtanggal sa sumadsad na eroplano ng China sa main runway ng NAIA.
Maliban dito, mas mabibigyan pa umano ng pagkakataon ang mga airlines na mag-adjust ng kanilang flights.
Nauna nang inihayag ng pamunuan ng NAIA na dakong alas-7 ng gabi ng Biyernes ay maaari nang mabuksan ang runway, subalit nag-extend ulit ng hanggang alas-5 ng madaling araw ng Sabado.
“Nag-extend kami ng alas-5 ng madaling araw. Ako’y humihingi ng paumanhin sa lahat ng naapektuhan. Lahat tayo rito’y walang kagustuhan. Ginagawa namin ang lahat para mabuksan ang paliparan,” paliwanag ni MIAA General Manager Ed Monreal sa media.
Nag-arkila na ng boom crane ang MIAA para magamit sa pag-aangat sa sumadsad na eroplano. DWIZ882
Comments are closed.