CHINA UMAASANG MATUTULOY ANG JOINT OIL EXPLORATION-P2

UMAASA pa ang China na posibleng matuloy ang ibinasurang Philippine-China joint oil exploration sa South China sea na malapit sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin, nakahanda ang China na ipagpatuloy ang negosasyon sa joint oil at gas projects sa South China Sea sa papasok na administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Ibinasura ni Presidente Rodrigo Roa Duterte ang nabuong joint offshore oil at gas exploration sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa isang pulong balitaan, kinumpirma ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin na lumagda sa isang memorandum of understanding ang Pilipinas at China noong Nobyembre 2018 para simulan ang mga negosasyon at gumawa ng mahahalagang pag-unlad na nakapaloob sa framework na ito.

Subalit ayon naman sa naging pahayag ng Department of Foreign Affairs, matapos ang tatlong taon ay walang naging magandang resulta ang nasabing kasunduan.

Sa panig ng China, sinabi ni Wang Wenbin na ang plano ng dalawang bansa na joint offshore oil at gas development ay maaaring magpatuloy kahit na magpalit pa ng lider ang Pilipinas, maliban kung ang bilateral na kasunduan ay bawiin.

“Joint offshore oil and gas development is the right way for China and the Philippines to manage maritime differences and achieve win-win results without prejudicing either side’s maritime positions and claims,” ani Wang.

Sa inilabas na pahayag, tinitiyak ni Wang na ang China ay magsisikap na gumawa ng mahahalagang hakbang para makapaghatid ng mga benepisyo sa dalawang bansa at sa kanilang mga mamamayan.

“China stands ready to work in concert with the new Philippine government to advance negotiations on joint development and strive to take early substantive steps so as to deliver tangible benefits to both countries and peoples.”

Nabatid na wala pang pahayag si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung ipagpapatuloy niya ang nasabing negosasyon, ngunit nauna na nitong inihayag noon sa panayam ng PILIPINO Mirror na pabor siya sa joint exploration sa West Philippine Sea.

Magugunitang nitong nakalipas na linggo ay pinatapos na ni Pangulong Duterte ang pakikipag-usap ng Pilipinas sa China para sa joint oil and gas exploration.

yon kay outgoing Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin “The President had spoken. I carried out his instructions to the letter: oil and gas discussions are terminated completely. Nothing is pending, everything is over.”

Dagdag pa ni Locsin; “three years on and we had not achieved our objective of developing oil and gas resources so critical for the Philippines but not at the price of sovereignty; not even a particle of it.”
VERLIN RUIZ