CHINA, VIETNAM SA AVC CUP SEMIS

DINISPATSA ng Vietnam at China ang kani-kanilang katunggali upang makakuha ng puwesto sa AVC Cup for Women semifinals kahapon sa Philsports Arena.

Pinadapa ng Vietnam ang Chinese-Taipei, 19-25, 25-17, 16-25, 25-18, 15-10, habang naitala ng China ang 25-13, 25-8, 25-8 panalo kontra Australia.

Naghahabol sa 6-9, sumandal ang Vietnamese kay Tran Thi Thanh Thuy na umiskor ng walong sunod na puntos upang umabot sa match point.

Naisalba ng Taiwanese ang match point mula kay fifth set substitute Chang Li-Wen, subalit nagawang tapusin ng Southeast Asian side ang laro sa loob ng dalawang oras at 20 minuto.

“If we got one winning point, we encourage them to play better,” sabi ng 24-year old na si Tran sa pamamagitan ng isang interpreter.

Umusad ang Vietnam, pumangalawa sa Pool B, sa semifinals sa ikalawang pagkakataon sa AVC Cup for Women at makakaharap ang quarterfinals winner sa pagitan ng Pool B winner Japan at Pool A’s No. 4 Iran.

“We will try to play together. We will prepare,” ani Tran, na naitala ang siyam sa kanyang 25 points sa deciding set.

Naiposte ni Hoang Thi Kieu Trinh ang lima sa 15 blocks ng Vietnamese para tumapos na may 22 points, habang si Nguyen Thi Trinh ang isa pang player sa double figures na may 10 points.

Masakit ang pagkatalo para sa Chinese- Taipei, na abante sa sets, 2-1, bago kinapos sa kanilang kampanya na makapuwesto sa top four.

“We don’t have good reception so we can’t use our offense,” sabi ni captain Chang.

Si Tran, naglaro sa Taiwanese club Attack Line noong 2017, ang naging ‘difference maker’ sa quarterfinals match.

“Last night, the meeting was about her (Tran). Maybe in the first three sets, we have good defense. It is not easy to defend her,” ani Chang.

Kumana si Chen Tzu-Ya ng apat na service aces para sa 19-point effort habang tumirada si Wu Fang-Yu ng 13 kills para sa Chinese-Taipei.

Samantala, nagbuhos si Wu Mengjie ng 17 points, kabilang ang 4 service aces, habang humataw si Zhou Yetong ng 14 kills para sa Chinese.

Naiposte ni Zhuang Yushan ang 10 sa kanyang 13 points sa second set, habang napantayan ni Wang Wenhan ang 2 blocks ni Zhuang para tumapos na may 9 points.

Nalimitahan ng Chinese ang Volleyroos sa 8 points sa second at third set upang madominahan ang 78-minute contest.