PARAÑAQUE CITY – SUGATAN ang anim na katao kabilang ang isang Chinese national sa naganap na sunog sa isang gusali ng condominium kahapon ng umaga sa Barangay Tambo.
Kinilala ni Parañaque City Bureau of Fire Protection Fire Marshal Supt. Robert Pacis ang mga biktima na sina Henry Sablay, 44; Edgardo Dela Cruz, 51; Ely Salabar, 31; Jeremiah Tee, 27; isang Chinese national isang alyas Cheng at isang nagngangalang Mr. A, na agad namang naisugod sa pinakamalapit na ospital upang mabigyang lunas ang kanilang mga tinamong sugat sa paa at hirap sa paghinga.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng Parañaque City BFP na isinumite kay Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR) Director Supt. Wilfredo Rico Neil Kwan Tiu, dakong alas- 11:56 ng umaga nang magsimula ang sunog sa Unit 2102 ng Pacific Coast Plaza na inookupa ng isang nagngangalang Fernando na matatagpuan sa Villamar St., Barangay Tambo, Parañaque City.
Ayon kay Pacis, sa hindi pa malamang dahilan ay mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa madamay ang ika-18 hanggang ika-23 palapag nang naturang gusali.
Dagdag pa ni Pacis, nahirapan ang mga rumespondeng pamatay sunog sa pag-aapula ng apoy dahil sa masisikip na hallway at exit ng nasabing condominium.
Napag-alaman naman sa isang security guard ng naturang condo na wala sa kanyang inookupang kuwarto ang may-ari ng unit nang magsimula ang sunog at hindi pa umano ito bumabalik.
Sa laki at biglang paglaganap ng apoy ay agad na itinaas ang alarma nito sa general alarm kung saan kinakailangan nang rumesponde ang lahat ng kagawad ng pamatay sunog sa Metro Manila.
Rumesponde rin sa lugar ang mga rescuer ng Philippine Red Cross (PRC) upang tumulong sa mga residenteng nahirapan huminga dulot ng makapal na usok na ibinubuga ng sunog.
Bagamat idineklara na ng Parañaque BFP ang fire under control dakong 2:29 ng hapon, sinabi ni Pacis na patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang mopping operation upang alamin kung may iba pang na-trap na biktima sa loob ng naturang condominium. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.