CHINESE CARRIER STRIKE GROUP NAGLALAYAG SA PHILIPPINE SEA

TINIYAK ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nananatiling nakatuon sila sa pangangalaga sa mga interes sa karagatang saklaw ng Pilipinas at pagtiyak sa seguridad ng teritoryo ng ating bansa sa pamamagitan ng patuloy na pagbabantay.

Ito ang inihayag ni AFP Spokesperson Col Margarette Francel Padilla kasunod ng ulat hinggil sa paglalayag ng People’s Liberation Army Navy Shandong Carrier Strike Group ng China sa bahagi ng Philippine Sea.

“ The Armed Forces of the Philippines (AFP) notes the deployment of a Chinese carrier strike group in the Philippine Sea with concern,” ani Padilla .

Sinabi pa ni Padilla na binibigyang diin nila ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon at hinimok ang lahat ng mga may kaugnayan na sumunod sa umiiral na international laws at mga pamantayan, partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Kahapon, inilathala ng U.S Navy Institutes (USNI) ang pagkilos ng China’s People’s Liberation Army Navy Shandong Carrier Strike Group sa Philippine Sea na malapit umano sa Balintang channel.

Nabatid na bukod sa reported operation ng Shandong Carrier strike group sa Philippine Sea ay sinasabing nagsasagawa rin ng joint PLAN-Russian Navy sa nasabing area kung saan nagpadala ang Russia ng dalawang corvettes para sa Indo-Pacific deployment.

Nitong Martes ay namataang naglalayag ang carrier CNS Shandong (17), cruiser CNS Yan’an (106), destroyer CNS Guilin (164) at frigate CNS Yuncheng (571) may 323 miles southeast ng Miyako Island, ayon sa news release mula naman sa Japan’s Joint Staff Office. VERLIN RUIZ