CHINESE EMBASSY TUMULONG SA PAMILYA NG NASAWING PULIS

Si Counsellor and Police Attache Mr. Zhao Lei ng Chinese Embassy Manila habang iniaabot ang tulong sa pamilya ni PSSG. Santiago.

NAKIRAMAY ang Chinese Embassy sa pamilya ng isang pulis na napaslang at sa kasama nitong sugatan sa ikinasang rescue operation ng mga tauhan ng PNP Anti Kidnapping Group sa dalawang dinukot na Chinese sa Ayala Avenue sa Quezon City kamakailan.

Kasabay ng pakikiramay ay naghandog ng tulong ang Embahada ng China sa biyuda at mga anak ni Police Staff Sergeant Nelson Santiago, 35 anyos, na napatay sa kasagsagan ng pagliligtas sa dalawang kidnap victim.

Mismong si Counsellor and Police Attaché Mr. Zhao Lei al ang nagtungo sa burol ng pulis at nag-abot ng tulong pinansiyal sa biyuda ni Sgt. Santiago na si Mary Rose.

Una na ring nagkaloob ng tulong ang Chinese Embassy Manila sa sugatang pulis na si Police Chief Master Sergeant Eden Accede, na naka-confine sa isang pagamutan.

Sina Sgt Santiago at PCMS Accad ay kabilang sa Task Group ng PNP Anti Kidnapping Group na nagsagawa ng rescue operation sa dalawang Chinese na dinukot sa Quezon City at dinala ng mga abductor sa Guzman Street Sitio Feliza sa Angeles City, Pampanga.

Upang mapalaya ang dinukot, humiling ang mga kidnaper ng ¥500,000 o katumbas na P8,000,000 ransom sa pamilya ng mga biktima

Ang insidente ay idinulog ng Chinese Embassy sa Philippine National Police kung saan inilatag ang rescue operation kung saan napatay sa operasyon si Santiago.

Si Sgt.Santiago, ay inihatid na sa kanyang huling hantungan sa Haven of Rest sa Tanay Rizal.

Naulila ni Sgt. Santiago ang kanyang ina na si Felisa, maybahay na si Mary Rose at dalawang anak.

Samantala, naghihimas na ng rehas na bakal ang dalawang suspek nq kidnapper na kapwa mga Chinese rin na kinilalang sina Hu Kai at Ryu Don.

Elma Morales