CHINESE EMBASSY UMALMA SA ISYUNG PAGDAGSA NG CHINESE STUDES SA PILIPINAS

INALMAHAN ng Chinese Embassy sa Pilipinas ang mga malisyosong akusasyon kaugnay sa umano’y kaduda dudang pagtaas ng bilang ng mga estudyanteng Chinese national sa Pilipinas partikular sa Cagayan.

Kasunod ito ng panukala ni Cagayan Representative Joseph “Jojo” Lara sa Kamara na magsagawa ng inquiry kaugnay paglobo ng mga Chinese students na sinabing maaaring maging panganib sa seguridad ng Pilipinas dulot ng presensya ng mga mag-aaral na Tsino sa gitna ng agresyon ng kanilang bansa sa West Philippine Sea.

Sa inilabas na statement ng Chinese embassy, inihayag nito na walang basehan ang mga akusasyon sa educational exchanges sa pagitan ng China at PH ay isa na naman umanong malisyosong panlilinlang para mag-udyok ng hinala at galit sa China.

Bunsod pa nito ay inihayag ng embahada ang posibleng muling pagbuhay sa Pilipinas ng tinawag nilang ‘McCarthyism’ na isang political oppression at persecution ng makakaliwang indibidwal. Kaya’t kailangan umano itong mabantayan at malabanan.

Sabi pa ng Chinese embassy, kinakasangkapan lang umano ang isyu para sa pansariling interes ng ilang Pilipinong pulitiko ang maritime issues sa pagitan ng PH at China at sinisira ang kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Sinabi rin ng Embahada na ang educational exchanges sa pagitan ng PH at China ay mabilis na lumalaki sa paglipas ng taon na sumusuporta sa mas malalim pang mutual understanding sa pagitan ng dalawang bansa.

Samantala, ayon sa Bureau of Immigration post-pandemic rebound at pagpapalakas ng educational tourism ng bansa ang itinuturong dahilan sa pagtaas ng bilang ng Chinese students sa Cagayan.

Una rito, nitong Miyerkules, sinabi ng AFP na iniimbestigahan na ang napaulat na pagtaas ng Chinese students sa isang probinsiya sa northern Luzon na malapit sa Taiwan.

Kasunod ito ng pahayag ni Cong. Lara na nakatanggap siya ng report mula sa kanyang kasamahan na mayroong 4,600 Chinese students sa isang pribadong unibersidad lamang at namataan ang mga ito sa mga pampublikong lugar na nakasuot ng student IDs.

Dagdag pa ng mambabatas na nakatanggap din siya ng impormasyon na ang mga Chinese student na dumating sa Cagayan ay nagbayad ng P1 million bawat isa kung saan 80% ng halaga ay mapupunta sa isang agent at ang nalalabing 20% ay sa paaralan. VERLIN RUIZ