TARGET ng isa sa pinakamalaking real estate developers sa China na magtayo ng hotel at residential projects sa Filipinas.
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), ang Country Garden Group ay magpapadala ng mga kinatawan para sa business delegation na makakasama ni Chinese President Xi Jinping sa kanyang pagbisita sa bansa ngayong buwan.
Sina Trade Secretary Ramon Lopez at Country Garden General Manager Wang Xingjun ay nagkita sa sidelines ng China International Import Expo noong nakaraang linggo sa Shanghai, kung saan inihayag ng huli ang interes ng kompanya sa Philippine market.
“More investors, like Country Garden, have expressed their confidence in the country’s economic stability and business environment under the Duterte administration. They wish to partner with us in providing more jobs and opportunities for Filipinos,” wika ni Lopez.
Aniya, plano ng Country Garden na ipasok ang Country Garden and Rise Land brands nito sa Philippine real estate market.
Bukod sa hotel at residential projects, target din ng Chinese firm ang investment opportunities sa construction at building materials sa harap ng masiglang construction sector ng bansa.
Ang Country Garden ay may kinalaman sa property development, construction, decoration, property management, property investment, gayundin sa hotel development at management.
Nakapagsagawa na ito ng mahigit sa 1,000 residential, business at urban construction projects sa China, Malaysia at Australia. PNA