SUMAGOT ang isang Chinese general sa umano’y mga iresponsableng komento hinggil sa pagtatayo ng Beijing ng military structures sa South China Sea o West Philippine Sea.
Kamakailan ay nanindigan si United States Defense Secretary James Mattis na hindi aalis ang kanilang puwersa sa nasabing lugar matapos ang umano’y pananakot ng China sa mga bansang claimants sa nasabing bahagi ng karagatan.
Sa pahayag ni Lieutenant General He Lei sa Shangri-La Dialogue sa Singapore, sinabi nito na hindi katanggap-tanggap ang naturang mga komento.
Giit din ni He, ang nasabing mga hakbang ay nakatuon sa pagpapalakas ng “national defense” ng Beijing.
“They are for the purpose of avoiding being invaded by others… As long as it is on your own territory you can deploy the army and you can deploy weapons,” ani He.
Gayumpaman, nilinaw ng US official na handa pa rin naman ang Washington na suportahan ang China sakaling isulong nito ang pangmatagalang kapayapaan sa pagitan ng mga bansang nasa rehiyon.