HINDI isyu sa Palasyo ng Malacañang kung mag-take over ang ilang Chinese firms sa operasyon ng bangkaroteng Hanjin Philippines sa Subic, Zambales.
Ang Hanjin, isang shipyard firm na itinatag ng mga Koreanong negosyante, ang pinakamalaking business investment sa loob ng Subic Bay Freeport bago ito nagdeklara ng pagkalugi.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang nakikitang mali ang Malacañang sa pagpasok ng mga Chinese investor sa Hanjin dahil negosyo lang naman ang interes ng mga ito.
Bukod dito ay hindi pa naman, aniya, naisasapinal kung sila na nga ba ang magpapatakbo sa naturang shipyard.
Ikinatuwiran pa ng kalihim na maraming mga negosyanteng Pinoy ang interesado na isalba ang operasyon ng Hanjin sa bansa.
Nabatid na ang Hanjin ay may kabuuang $1.3 billion outstanding loans — $400 million sa mga bangko sa Filipinas at $900 million sa South Korean lenders.
Nauna rito ay nagpahayag ng pagkabahala si Retired Philippine Navy Vice Admiral Alexander Pama sa posibleng pagpasok ng dalawang Chinese firms sa naluluging Hanjin dahil maglalantad umano ito sa strategic spot ng Filipinas at sa mga pinag-aagawang teritoryo.
“The ownership of Hanjin shipyard in Subic Bay will give the owners unlimited access to one of our most strategic geographic naval and maritime asset. Although it is a commercial shipyard, nothing can prevent the owners from making it into a de-facto naval base and a maritime facility for other security purposes,” ani Pama.
“Mga kababayan, sa aking tantiya itong balita ay nakababahala at posibleng may kaakibat na panganib sa kalaunan. Let’s be aware that this Hanjin shipyard issue is not just about business, financial and other economic issues. This is a very significant national security issue!,” dagdag pa ni Pama.
Bukod pa umano ang posibilidad na hindi makontrol ang kompanyang Hanjin sa oras na mapasakamay ng Chinese investors dahil maaaring maging isang quasi naval base ito.
Ayon sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), nagsumite na ang Hanjin ng petisyon noong nakaraang linggo sa Regional Trial Court sa Olongapo City para mapasimulan ang voluntary rehabilitation sa ilalim ng Republic Act 10142, na mas kilala bilang ‘An Act Providing for the Rehabilitation or Liquidation of Financially Distressed Enterprises and Individuals’.
Batay sa report, noong nakaraang taon ay umabot sa 7,000 Pinoy workers ang inalis ng Hanjin at nanganganib ding mawalan ng trabaho ang nalalabing 3,000 empleyado dahil sa pagkalugi ng nasabing kompanya.
Comments are closed.