NAHAHARAP ngayon sa kaso ang isang Chinese national na nakilalang si Irwin Chua, may-ari ng Real Steel Corp., sa San Simon, Pampanga dahil sa umano’y pangmamaltrato sa kanyang mga empleyado.
Ayon kay San Simon police chief, Maj. Gregorio Santos, nahaharap sa kasong attempted homicide, dalawang physical injuries, apat na grave threats, at limang illegal detention si Chua at mga opisyal ng naturang kompanya na tunawan ng bakal.
Matatandaan na nitong ika-10 ng Setyembre, mahigit 50 empleyado ang nailigtas ng mga awtoridad mula sa nasabing kompanya, matapos magreklamo ang mga ito na minamaltrato sila at ikinukulong.
Bukod sa sinasaktan at kinukulong, ginagawa rin umanong target practice ang mga empleyado ng mga amo nito na pawang mga gun enthusiasts. Hindi rin daw maayos ang mga pasahod at kulang ang mga benepisyo na ibinibigay sa kanila.
Ayon naman kay Geraldine Panlilio, Assistant Regional Director ng Department of Labor and Employment (DOLE) nahaharap din sa mga kaso ng paglabag sa labor law si Chua at ang kasamahan nito.
Sa kasalukuyan ayb mayroong 42 Chinese na may Alien Employment Permit (AEP) ang nagtatrabaho sa Real Steel Corp.
Nagbabala naman ang DOLE at pulisya, na posibleng maipatapon palabas ng bansa ang mga naturang Chinese dahil sa kabi-kabilang paglabag sa batas sa Filipinas.
Ayon naman kay PNP Spokesman, Col. Ysmael Yu, agad silang magpapadala ng mga tauhan sa San Simon municipal building, matapos makatanggap ng ulat na nakararanas nang pananakot ang mga nailigtas na empleyado na pansamantalang nanunuluyan sa basketball court habang iniintay ang bayad sa kanila ng kumpanya. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.