(Chinese na pusher inatake, patay) P757.8M SHABU NASAMSAM SA BUY BUST

PAMPANGA-UMAABOT sa 110 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P757.8 milyon ang narekober ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isinagawang buy bust operation sa Timig Hills Townhouse, Brgy. Pampang, Angeles City sa lalawigang ito.

Sa inisyal na report ni PDEA Dir. Gen. Amoro Vergilio Lazo, kinilala mga suspek na sina Willy Tan Zhang, alyas Ching, 51anyos na inatake sa puso at kasama nitong babae na si Reziel Barelos Manalo, 30-anyos ng Sitio 6 Brgy. Muzon, San Juan, Batangas.

Base sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, ganap na alas-10:10 ng umaga nang isagawa ang buy bust sa nasabing lugar.

Nabatid na sa kasagsagan ng buy bust agad dinala sa pagamutan ang suspek na chinese national na biglang inatake sa puso subalit idineklara dead on arrival.

Nakumpiska sa Chinese ang ilegal na droga at boodle money na nagresulta sa pagkakadiskubre ng higit isang sako ng shabu na nasa 80 kilos at nagkakahalaga ng P550.8 milyon.

Kasabay nito, arestado rin ng mga awtoridad sa hiwalay na buy bust sa naturang lugar sina Mark June Barsaga ‘alyas ‘Mac Mac ng Dalahican St., Sta. Teresa, Purok 7, Lucena City Quezon at Yi Xin Li, chinese national, 49-anyos ng 1280 Jose Abad Santos Ave., Tondo, Manila.

Nabatid na lulan ng kulay Gray na Avanza na may plakang ABQ 9912 ang 30 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P207 milyon.

Samantala sasampahan ng kaso paglabag sa seksyon 5 at 11, Art II ng RA 9165 ang mga suspek.
THONY ARCENAL