LAGUNA – ISANG Chinese ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa pagkakabihag ng mga kasapi ng casino loan shark syndicate na nagresulta sa pagkaka aresto sa apat na kababayan nito at isang Filipinong nagsisilbing driver at guide ng sindi-kato, sa bayan ng Cabuyao.
Ayon kay P/ Senior Supt. Glenn Dumlao, director ng PNP-Anti Kidnapping Group, dinukot ng sindikato ang biktimang si Si Yuxiang na umano’y may malaking pagkakautang sa grupo.
Lumabas sa imbestigasyon na pinahirapan ito nang husto habang bini-video at saka ipinadala sa pamilya ng biktima sa China para magamit nila sa paghingi ng ransom, ani Dumlao.
Nabatid na nagbigay na ang pamilya ni Yuxiang ng halagang P280,000 para sa kanyang kalayaan subalit hindi pa ito pinalaya sa halip ay humingi pa sila ng karagdagang P150,000.
Dito na humingi ng tulong ang pamilya sa Foreign Ministry ng China na nakipag-ugnayan naman sa Chinese Embassy sa Filipinas.
Nakipag-ugnayan naman ang Chinese Embassy sa PNP-AKG na nagsagawa ng entrapment operation kamakalawa ng gabi kaugnay sa 2nd pay-off na nagbunga sa pagkakadakip sa 4 na Chinese nationals at isang Filipino.
Nabatid na nasundan ng mga operatiba ng AKG ang grupo sa kanilang safehouse sa Brgy. Bigaa kaya nailigtas ang biktima.
“This case was an example of a Chinese syndicate who prey on fellow Chinese nationals who are losing big money in casinos, kidnap them and ask for ransom from their families in China,” ani Dumlao. VERLIN RUIZ
Comments are closed.