CHINESE NAGPASIKAT SA AVC CUP FOR WOMEN OPENER

MAGAAN na dinispatsa ng China ang South Korea, 25-9, 25-8, 25-9, sa pagsisimula ng AVC Cup for Women nitong Linggo sa PhilSports Arena.

Nagbuhos si Zhuang Yushan ng 13 points, kabilang ang walo sa third set, habang nagdagdag sina Zhou Yetong at Hu Mingyuan ng 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Chinese. Naging matatag si setter Sun Haiping sa service area, kung saan naipasok niya ang lima sa 13 service aces ng China. Ang Koreans ay kinabibilangan ng high school standouts na kumukuha ng karanasan sa high-level international play at agad na sinubukan ng Chinese.

“The rest of the teams are all seniors while we are all young generation. So we will learn more and more throughout the competition,” sabi ni South Korea playmaker Choi Yeonghye sa pamamagitan ng interpreter.

Na-outhit ng Chinese ang Koreans, 38-16, at kumana ng 10 blocks sa 69-minute match sa pagsisimula ng aksiyon sa Pool A. “They are strong, they have the height and everything. They gave us a hard time,” sabi ni 17-year old Choi hinggil sa five-time AVC Cup for Women winners.

Nanguna si opposite spiker Choi Hosun para sa South Korea na may 7 kills habang nag-ambag si Kim Seyul ng 3 points. Target ng China ang ikalawang sunod na panalo sa grupo kontra Vietnam ngayong ala-1 ng hapon habang makakasagupa ng South Korea ang Iran sa nightcap sa alas-7 ng gabi.

Sa iba pang laro ay sinimulan ng Japan ang kampanya nito sa 25-18, 25-19, 25-22 panalo kontra Thailand.

CESISTA HATAW SA FINIS SWIM NATIONAL FINALS

ITINANGHAL na most bemedalled swimmer si Arriana June Cesista matapos walisin ang walong nilahukang events sa pagtatapos ng 2022 FINIS Short Course Swimming National Finals nitong Linggo sa New Clark Aquatics Center sa Capas, Tarlac.

Ipinagmamalaki ng Pangasinan, ang kinatawan ng Thresher Shark Swim Team ay dominante sa kanyang laban sa girls 7-8 class 50-m butterfly (50.52) kontra Zavrinah Pailagao ng Sweetdolphins (51.39); 100-m backstroke (1:43.31) laban kay Teof Velez ng Northmin Stars (2:03.04) at 50-m breast (53.50) laban kina Zavrinah Pailagan (59.87) at Violette Chavez (1:04.15) sa event na inorganisa ng FINIS Philippines.

“Natutuwa po ako kasi sa ensayo namin ‘yung focus namin manalo, natupad naman po. Thankful ako kay coach Rey, pati sa parents ko,” pahayag ng second Grader mula sa Tambungan Preparatory School Pangasinan. Nauna nang nadomina ni Cesista ang mga laro sa opening day nitong Sabado sa pagwawagi ng gintong medalya sa 100-m Individual Medley (1:44.60), 100-m butterfly (2:01.43); 50-m backstroke (49.72), 100-m breaststroke (2:00.11), at 50-m freestyle (44.60).

Nagdagdag naman ang Davao del Norte homegrown na si Czarina Cavite ng isang ginto at isang pilak na medalya sa girls 9-10 class matapos manguna sa 50-m butterfly sa oras na 40.94 segundo bago pumangalawa sa 50-m breast (45.84) na napanalunan ni Reese Tacuboy (43.63). ). Ang 10 taong gulang na tanker na kumakatawan sa DavNor Blue Marlins Swim Team ang naging unang triple gold medalist sa morning session nitong Sabado nang magtagumpay sa 100-m IM (1:28.83), 100-m butterfly (1:32.29) at 50 -m freestyle (35.41). Kasama ni Garcia si Capas, Tarlac Mayor Roseller Rodriguez sa paggawad ng mga medalya at tropeo sa tatlong overall team champion kung saan inihayag din ng una ang planong magdaos ng mas malalaking torneo sa susunod na taon kasama na ang Long Course Championship na may parehong format ng event.

“Actually, ‘yung commitment ng FINIS hindi natatapos sa swimming. Sa Setyembre isasagawa natin ang Kids Thriathlon dito sa Clark, habang ang dalawang tournament –Triathlon at Aquathlon – na isasagawa sa Digos City ay inilipat nitong Oktubre. We’re also collaborating with Congressman Eric Buhain to start the Open Swim event in Batangas,” ani Garcia. Ang iba pang mga nagwagi ay sina Ichico Velez ng Northmin Stars sa boys 9-10 100-m butterfly (1:53.40); Daniel Ocampo of Dax Swim sa boys 11-12 (1:07.63); Gilbert Gonzalvo sa boys 13-14 (1:02.46); Kobe Ramirez sa boys 15-16 (1:00.21); Anton Malayang (boys 15-16, 1:03.80); Kaelan Garzon (boys 17-18, 57.91); Joco Delizo (boys 19over, 1:00.75); Kyle Belicena (girls 11-12, 1:14.78); Rianna Montelibano (girls 13-14, 1:10.00); Keilah Labarda (girls 13-14, 1:35.73); Triza Tabamo (girls 15-16, 1:08.30); Jasmine Obra (girls 17-18, 1:13.03).

EDWIN ROLLON