CHINESE NANUHOL P100-K SA MGA PULIS ARESTADO

ARESTADO ang isang Chinese national matapos suhulan ng P100,000 ang mga pulis na humuli sa kanyang kaibigan dahil sa ilegal na droga sa Taguig.

Kinilala ng Taguig City police ang nanuhol na suspekna si Bin Li, 40-anyos, sales manager.

Nakumpiska ng pulisya sa suspek ang kanyang Alien Employment Permit (AEP) ID at 100 piraso ng tig-P1,000 na gagamitin bilang ebidensiya sa pagsasampa ng kaso laban sa kanya.

Ayon sa imbestigasyon ng Taguig City police, naganap ang panunuhol nitong Marso 26 sa mismong tanggapan ng Taguig police Substation 1 na matatagpuan sa 40th Street corner 9th Avenue, Bonifacio Global City, Barangay Fort Bonifacio sa nasabing lungsod.

Nauna rito, nagtungo ang suspek sa naturang police station at itinanong kung nasaan ang kanyang kaibigang Chinese na si Deng Jiliang, 33-anyos na nadakip ng mga awtoridad dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Makaraan ang ilang minutong pakikipag-usap sa mga pulis ay nakipagnegosasyon ang suspek sa mga operatiba at iniabot ang P100,000 kapalit ng pagpapalaya sa kanyang kaibigang si Jiliang.

Sa halip na tanggapin ng mga operatiba ay agad na pinosasan ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act). MARIVIC FERNANDEZ