CHINESE NATIONAL KINULONG NG KALAHI NAILIGTAS

NA-RESCUE ang isang Chinese national sa mga kamay ng kanyang tatlong kalahi nito na ilegal na nagdetine sa biktima nitong Biyernes sa Parañaque City.

Kasalukuyang nakapiit sa detention facility ng Parañaque City police ang mga inarestong suspek na sina Zhao Yinggang, 37-anyos; Yan Chao, 28-anyos at Jiang Yin, 28-anyos.

Ligtas namang nasagip ng mga operatiba ng Parañaque City police ang biktima na nakilalang si Li Hao, 28-anyos.

Ayon kay Parañaque City police chief Col. Renato Ocampo, matagumpay na naisagawa ang rescue operation sa biktima dakong alas-6:50 ng umaga sa JCAL Building na matatagpuan sa 4949 C. Santos Street, Barangay Tambo, Parañaque City.

Nauna dito, sinabi ni Ocampo na nakatanggap ng tawag sa telepono ang Tambo police sub-station sa kaibigang babae ng biktimang si Hao na kinilalang si Sun Shuangshuang, 29-anyos.

Matapos mapakinggan ng pulisya ang salaysay ni Shuangshuang na ang kanyang kaibigang si Hao ay ilegal na ikinulong ng mga suspek ay agad na rumesponde ang mga tauhan ng Tambo police sub-station sa lugar na naging dahilan ng pagkakaaresto sa mga ito at matagumpay naligtas ang biktima.

Sinabi naman ng mga suspek na ang dahilan ng kanilang pagdedetine sa biktima ay ang pagkakautang nito sa kanila.

Nahaharap sa kasong illegal detention ang mga suspek sa Parañaque City Prosecutor’s Office. MARIVIC FERNANDEZ