CHINESE NEW YEAR LUCKY CHARMS MAY TOXIC CHEMICALS

CHINESE NEW YEAR LUCKY CHARMS

NAGBABALA sa publiko ang anti-toxic watch group na EcoWaste Coalition laban sa pagbili ng mga lucky charms, para sa pagdiriwang ng Chinese New Year, dahil sa posibilidad na nakalalason ang mga ito.

Ayon kay Thony Dizon, chemical safety campaigner ng grupo, baka sa halip na suwerte ay malas pa ang ihatid ng mga naturang pampasuwerte sa mga taong bibili nito, matapos matuklasang ilan dito ay may tag­lay na toxic chemicals, gaya ng cadmium at lead.

Nabatid na nagsagawa ng test buy ang grupo, at bumili ng 20 iba’t ibang klase ng lucky charms at amulets mula sa mga retailer sa area ng Binondo at Quiapo sa Maynila.

Isinailalim aniya nila sa pagsusuri ang mga ito, gamit ang X-Ray Fluorescence (XRF) device, at dito nila natuklasan na 15 sa mga naturang items ay kontaminado ng lead at cadmium na higit na mataas sa itinakdang 90 parts per million (ppm) limit para sa lead at 100 ppm limit para sa cadmium, alinsunod sa regulasyon ng European Union (EU).

Kabilang aniya sa mga lucky charm na natuklasan ng EcoWaste na may taglay na nakalalasong kemikal ay ang stainless steel necklace na may pig pendant, red fabric bracelet na may pig adornment, stainless steel necklace na may money pouch pendant, red fabric bracelet na may twin cherry adornment, holy gourd lucky object,  lucky peach trinket, dragon lucky object, lotus flower lucky object, windhorse lucky object, 3-legged frog lucky object, golden lucky coin, good luck pat-kua at lucky golden dragon.

“Some lucky charms and amulets that are supposed to attract energy, health, fortune and happiness are unluckily contaminated with cadmium and lead, two highly hazardous substances that belong to the WHO’s list of 10 chemicals of major public health concern,” ayon pa kay Dizon.

Pinayuhan na lamang ng grupo ang publiko, na kung talagang gustong bumili ng lucky charms at amulets, ay pumili na lamang ng may plastic laminate para maprotektahan ang sarili laban sa mga kemikal.

Una nang nagbabala ang World Health Organization (WHO) na sa sandaling malantad sa lead ang mga bata, kahit pa sa mababang antas lamang, ay maaring magresulta ng brain damage o pinsala sa utak, na nagdudulot ng mabagal na development ng mga ito, gayundin ng behavioral problems.

Sa mga buntis naman ay maaari itong magdulot ng miscarriage, habang ang mga lalaking malalantad naman sa lead ay maaaring magkaroon ng pagbaba sa kanilang sperm count.

Maaari rin itong magdulot ng hypertension at iba pang problema sa kalusugan.

Samantala, ang cadmium naman ay isa sa itinuturing na nakasasanhi ng cancer, gayundin ng pagbaba ng birth weight, premature birth, stillbirth, spontaneous abortion at birth defects.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.