CAVITE – REHAS na bakal ang binagsakan ng 29-anyos na Chinese IT technician matapos itong makumpiskahan ng di-lisensyadong baril sa gusali ng Zuangma Industrial Inc. sa Brgy. Niog 3, Bacoor City nitong Biyernes ng hapon sa lalawigang ito.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 ng Sec. 261 Omnibus Election Code (B.P. Blg. 881) ang suspek na si Zhen Tian Chen, with passport no. EG6359585, I.T., stay-in sa Room #312 Building 11 at nakatira sa #81 Ding Wen po, Yong Hong Village, WuXu, Nanning, Guang Xi, China.
Sa inisyal na police report, lumilitaw na nagsasagawa ng routine inspection sa nasabing gusali ang security guard na si Rufino Sangarios y Muring nang namataan nito ang suspek na pagala- gala bandang alas-2:40 ng hapon.
Ayon pa sa ulat, napansin ng security guard na may nakaumbok na bagay sa baywang ni Zhen Tian Chen kaya kaagad na tinawag nito at sinita.
Dito lumantad ang baril na cal. 22 revolver na kargado ng 14 bala kung saan hinanapan ito ng lisensiya subalit walang maipakita ang suspek kaya kaagad na binitbit sa security office bago ipinagbigay-alam sa himpilan ng pulisya para sa disposition.
Kasalukuyang nasa custody ng Bacoor City Police Station at isasailalim sa inquest proceeding sa Provincial Prosecutors Office habang ipinagbigay alam naman sa China Embassy ang insidente.
MARIO BASCO