CHINESE TIMBOG SA ILLEGAL PRACTICE OF MEDICINE

NAGWAKAS ang modus operandi ng isang Chinese makaraang masakote ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa illegal practice of medicine sa Pasay City nitong nakaraang Martes.

Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. No. 2382 (The Medical Act of 1959) na may kaugnayan sa R.A. No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) ang suspek na si Yu Jianxin na gumagamit ng alyas Zhang Lin.

Sa beripikasyon ng NBI-National Capital Region, si Jianxin ay walang lisensya bilang doctor, nurse o kaya medical technologist kung saan ginagamit nitong lugar sa kanyang modus operandi ay ang storage sa isang restaurant na may nakalagay na Tai An Clinic and Laboratory, Inc.

Nabatid sa NBI na ang suspek ay hindi awtorisadong mag-perform ng anumang me­dical procedures sa bansa dahil sa kawalan nito ng sapat na dokumento mula sa Food and Drug Administration kung saan nadiskubre rin ng NBI na naipasarado na ang kanyang clinic may ilang buwan na ang nakalipas subalit patuloy na rin ito sa kanyang modus operandi.

Karamihang kliyenta ng suspek ay mga kapwa niya Chinese kung saan gumagamit ito ng telegram para mag-medical services kaya isinailalim sa entrapment operation ng NBI kung saan  nasakote ito.

Nasamsam sa clinic ng suspek ay ang iba’t ibang Chinese medicines at medical equipment kung saan isinailalim na ito sa inquest proceedings sa Pasay City prosecutor’s Office.

MHAR BASCO