CHINESE TOURISTS DAGSA SA BORACAY

BORACAY

HALOS dinomina ng mga dayuhan mula sa East Asia ang bilang ng tourist arrivals sa Boracay sa first quarter ng taon.

Sa record ng Municipal Tourism Office ng LGU-Malay, ang China at Korea ang top two ‘sources of market’ na nakapagtala ng 80 porsiyento ng kabuuang tourist arrivals mula Enero hanggang Marso.

Ang mga turistang Chinese ang may pinakamalaking bilang ng bumisita sa  Boracay na nakapagtala ng 149,019 arrivals sa kabila ng nagpapatuloy na tensiyon sa agawan sa West Philippine Sea.

Pumapangalawa ang Koreans na may 97,797 arrivals, kasunod ang  Americans na may 8,268 at Russians na umabot sa 4,974.

Bumaba naman ng tatlong porsiyento o mahigit sa 172,207 ang tourist arrivals sa isla kumpara sa kaparehong panahon noong 2018.

Nabatid na target ng lokal na pamahalaan ng Malay ang nasa 51,000 tourist arrival sa isla sa Holy Week kung saan tiniyak naman ng Department of Tourism (DoT) na hindi nito malalabag ang itinakdang 19,215 carrying capacity ng isla.

Samantala, iniulat ng DOT na umabot na sa 339 ang bilang ng government-accredited accommodation establishments sae Boracay.

Ayon sa DOT, ang accredited hotels at resorts ay may 12,083 rooms para sa mga turista na planong bumisita sa isla.

Magugunitang ipinag-utos ni Presidente Rodrigo Duterte ang six-month closure ng isla upang bigyang-daan ang rehabilitasyon nito simula Abril 26 ng nakaraang taon.

Kasunod ng muling pagbubukas nito noong Oktubre, ang tourist arrivals sa isla ay nilimitahan lamang sa  6,405 kada araw. BENEDICT ABAYGAR, JR.