DINAMPOT ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Parañaque City, ang isang Chinese dahil sa pagtatrabaho sa grocery store ng walang working permit mula sa pamahalaan.
Ayon sa report kinilala ang suspek na si Chen, 46-anyos, at nagtatrabaho bilang cashier sa isang Chinese grocery store sa Quirino Avenue, Barangay Tambo ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., si Chen ay mayroon valid working visa, ngunit sa ibang kumpanya.
Aniya, sa ilalim ng Bureau of Immigration guidelines, ang mga foreign national ay hindi pinahihintulutan na magtrabaho sa ibang kompanya bukod sa nakalagay sa kanilang visa sapagkat ito ay isang paglabag sa kondisyon na ipinagkaloob ng pamahalaan.
Si Chen ay agad na dinala sa BI main office sa Intramuros upang mag-undergo ng medical examination, at pagkatapos ito ay dadalhin sa BI holding facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
FROILAN MORALLOS