CHOCO MUCHO LUSOT SA GALERIES TOWER

Mga laro bukas:
(Ynares Center)
4 p.m. – Farm Fresh vs Cignal
6:30 p.m. – Creamline vs PetroGazz

KINAILANGAN ng Choco Mucho ng limang sets upang gapiin ang Galeries Tower, 27-29, 25-20, 25-19, 17-25, 15-12, at makapasok sa win column sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kagabi sa Filoil EcoOil Centre.

Sa ikalawang sunod na laro ay matatag si Kat Tolentino habang si rookie Lorraine Pecaña ay may impresibong defensive outing upang tulungan ang Flying Titans na umangat sa 1-1 sa kaagahan ng season.

Kumana si Tolentino ng 27 points sa 20-of-58 kills attacks at 7 blocks at nakakolekta ng 10 digs para sa Choco Mucho.

Malaking tulong din si Pecaña kung saan napantayan ng dating Arellano University standout, na pinunan ang malaking butas na iniwan ni Maddie Madayag, ang 7 blocks ni Tolentino upang tumapos na may 10 points.

Bumanat si Sisi Rondina ng 19 kills, kabilang ang match winner at may walong receptions, habang nag-ambag si Cherry Nunag ng 14 points para sa Flying Titans. Ang dalawa ay kapwa hindi naglaro sa Reinforced Conference dahil sa Alas Pilipinas commitments.

Nahulog ang Highrisers sa 0-2, subalit impresibo ang nilaro sa pangunguna nina rookie playmaker Julia Coronel at libero Alyssa Eroa.

Nanguna si Jewel Encarnacion para sa Galeries Tower na may 18 points at 11 receptions habang umiskor si Jimenez ng 13 points.