HANDA na sa pagbabalik para sa ikalawang season ang Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup.
Matapos ang mahigit isang buwang pahinga, raratsada ang pinakamahuhusay na basketball players sa kauna-unahang pro league sa South sa Pagadian City Gymnasium sa Nobyembre 20.
Kabuuang pitong koponan sa Mindanao, sa pangunguna ng defending Southern champions Basilan-BRT Peace Riders, ang sasabak sa ikalawang conference ng Mindanao leg.
Kasama rin ang MisOr Kuyamis, Iligan Archangels, Kapatagan Buffalos, Pagadian Explorers, Roxas Vanguards, at ang Zamboanga Sibugay Anak Mindanao Warriors.
Ayon kay Vismin Cup Chief Operating Officer Rocky Chan, hindi magbabago ang paninindigan ng liga na maitaas ang antas ng kalidad ng sports, gayundin ang makapagbigay ng kabuhayan sa mga player at iba pa lalo at paparating ang Kapaskuhan.
“After taking a few months off, we are excited to start again so we can provide livelihoods to our players, coaches, and the people in Pagadian,” pahayag ni Chan. “We definitely want to end the year right with this tournament.”
Ang Visayas leg ay gaganapin sa susunod na taon, ayon kay Chan.
Batay sa regulasyon, lalaro ang mga koponan sa double robin elimination round kung saan ang dalawang mangunguna ay awtomatikong pasok sa semifinals. Ang dalawang slots sa Final Four ay paglalabanan ng nalalabing koponan. Sa semifinals ay gagamitin ang knockout game, habang best-of-three sa championship series.
“We are proud of the Pilipinas VisMin Super Cup for continuing with its goal of promoting basketball, especially in Mindanao,” pahayag ni Chooks-to-Go president Ronald Mascariñas, ipinagmamalaking anak ng Butuan City. “And as promised, our relationships with the leagues we are supporting won’t be affected with us being named as the organizers for the Maharlika Pilipinas Basketball League.”
Kaakibat din ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup ang HeiHei Burger, MDC, WCube Solutions, Phenom Sportswear, Finn Cotton, Virux, Gatorade, at Tolak Angin. EDWIN ROLLON