RIZAL- ULO, braso at binti ng isang babae ang natagpuan na nakabalot sa isang trash bag na itim sa Antipolo City.
Nabatid na dakong alas-11:50 kamakalawa ng tanghali nang natagpuan ng batang magbabasura ang isang itim na trash bag sa ilalim ng tulay sa NHA Brgy. De la paz Antipolo.
Nang buksan ito ay laking gulat na ang laman ay ulo, braso at mga binti ng isang babae.
Agad namang rumesponde ang Mobile Patroller nang ipinaalam ng scavenger ang kanyang natagpuan na ilang bahagi ng katawan.
Ayon sa pulisya kinilala ang biktima na si Lanie Cabanet Loreto ng kanyang tiyahin na si Leoniza Morello Mateo.
Base sa isinagawang imbestigasyon, nagpahatid umano ang biktima sa live-in partner nito sa Cogeo Gate 2 upang makipagkita sa isang alyas “ate” sa Robinsons mall bandang alas-8 ng gabi nitong Hunyo 7 hanggang sa hindi na ito nakabalik ng araw na yun.
Makaraan ang dalawang araw, Hunyo 9 natagpuan na ang ilang bahagi ng katawan ng biktima sa nasabing lugar.
Ayon sa rekord ng pulisya, ang biktima ay dati nang nakulong sa dahil sa paglabag sa RA 9165 kasama ang dati nitong live-in partner na nakulong din sa kasong ilegal na droga.
ELMA MORALES