CHOP-CHOP NA KATAWAN NATAGPUAN SA CALAX

CAVITE- ISANG malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng Silang Police kaugnay sa natagpuang katawan ng tao na walang ulo, walang kamay at mga paa nitong Lunes sa Cavite Laguna Express (Calax) na sakop ng Brgy Kaong, Silang sa lalawigang ito.

Sa panayam kay Capt. Connie Susmerano, dakong ala-6:40 ng gabi makatanggap sila ng tawag mula sa isang concern citizen hinggil sa natagpuang putol na katawan sa may daang patubig ng Calax west bound ng nasabing lugar.

Nakabalot sa itim na garbage bag at tanging mapagkakakilanlan dito ay ang tattoo nito sa kaliwang dibdib na pangalang “Hasmin” at tattoo ng logo “yin yang”.

Ayon sa imbestigador ng kaso na si Corporal Jayson Santos, isa diumano itong katawan ng lalaki at may kaputian ang kulay ng balat nito.

Inaalam din ng pulisya kung ang mga sugat na nakita dito ay nagmula sa mga bala ng baril o saksak ng patalim.

May posibilidad na itinapon lamang ito sa nasabing lugar upang mailigaw ang imbestigasyon ng pulisya.

Kasalukuyan ng nagsasagawa ng follow-up ang pulisya hinggil sa nasabing kaso.

Nangangalap na rin ang mga awtoridad CCTV footage na maaaring nakunan ang mga suspek na may kinalaman sa pangyayari na ito. SID SAMANIEGO